Pulandit: ‘Noynoysi’ kadiri

LEADER by example.

Hindi ka puwedeng magturo kung paano magluto ng kalderetang kambing kung pritong itlog lang ay hindi mo man lamang alam lutuin o kaya’y hindi ka man lang marunong magsaing.

Malaking isyu ngayon sa bansa ang bisyo ng paninigarilyo ni incoming President Noynoy.

Bilang isang lider, sa mga kilos ni Noynoy nakatingin ang mamamayan.
Nang magdesisyong kumandidato sa pagkapangulo ang batang Aquino, dapat ay inihanda na niya ang kanyang sarili sa mapagpamasid na mata ng publiko.

Kung singkuwenta anyos na siya ngayon, ilagay na natin na dalawampung taon na siya nang matutong maghithit-buga.

Tatlumpung taon na hindi pinansin ng publiko ang kanyang araw-araw na paglalaro ng usok ng sigarilyo. Walang malay ang mamamayan kung gaano siya kagaling magkorte ng usok sa kanyang pagbuga.

Mga usok man ‘yan na korteng patung-patong na puso na may pana pa ni Kupido hanggang sa mga usok na korteng demonyo, wala nang paki rito ang mamamayan.

Pero sa kanyang pag-upo bilang Pangulo, hindi na niya solo ang kanyang sarili. Hindi na siya solong lalaking kapatid ni Kris. Si Noynoy ay Pangulo ng kasisilang na Pinoy hanggang sa pinakagurang na mamamayan.

Ibig sabihin, lahat ng kanyang gagawin ay may pakialam na si Juan dela Cruz.

Ang pagmamatigas niya na magpatuloy sa kanyang bisyo ay masamang indikasyon para sa isang lider.

Ayaw man niyang tanggalin, kailangan niya itong gawin para sa publiko at para sa bansa.

Ang erpat ko ay nadedbol sa alak at paninigarilyo. Ang utol ko ngayon ay baldado dahil na rin sa alak at sigarilyo.

Lima kaming magkakapatid, tatlong lalaki, dalawang babae.

Ang aming bunso at ako ay hindi nakasubok manigarilyo tulad din ng dalawa ko pang kapatid na babae. Ang panganay naming lalaki ang kasing-tigas ng ulo ni Noynoy na walang planong tumigil sa yosi hangga’t hindi nabaldado.

Nawalan ng boses ang utol ko at parang transformer na robot kung maglakad, isang hakbang ko, sampung hakbang niya.

Marami nang nalagas sa aking mga kaibigan dahil din sa pagyoyosi. Ang hindi ko naman malaman sa mga taong addict sa sigarilyo ay kung ano ang kanilang napapala sa paghihit-buga. Mas madalas pang kapiling ang mga sigarilyo kaysa sa kanilang mga anak.

Hindi pa naman huli ang lahat, kung kayang gawin ng karaniwang tao na biglaang tumigil sa yosi, dapat ay mas kaya ni Noynoy.

Hindi na dapat hintayin ni Noynoy na palihim siyang abutan ng sigarilyo maya’t maya ng kanyang magiging vice-president.

Ako at ang buong sambayanang Pilpino ay matagal-tagal ding nawalan ng inspirasyon. Ang hinihintay natin ngayon ay maghudyat si Noynoy na siya ang nawawala nating idolo na magbubuklod sa ating lahat para sa tunay na pagbabago.

Ang pinakamalaki at pinakauna niyang dapat maging accomplishment bilang lider ay ang mabago ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtalikod sa sigarilyo.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

One thought on “Pulandit: ‘Noynoysi’ kadiri

Leave a Reply

Your email address will not be published.