Notoryus na Kawatan, Timbog

WALANG KAWALA sa mga tumutugis na bystander, mga pasahero at mga pulis ang isang kilalang  kawatan at holdaper sa Marilao, Bulacan at karatig -bayan.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt Gerry Andaya, kay PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Joel Orduna, kinilala ang nadakip na suspek na si Johnny Abiol Y Jose, 33 anyos, ng Blk-11, Lot 35, Friendship Village, Norzagaray, Bulacan; samantalang ang huling biktima naman nito ay nakilalang si Nicanor Flores Y Gonato, 55 anyos, ng Blk-18, Lot 20, Green Forbes Subd., Brgy. Loma de Gato, Marilao.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong  alas-3:00 ng hapon nang tabihan ng suspek ang biktima habang nasa loob ng pampasaherong jeep at laslasin nito ang isang bulsa ng retiradong government employee na si Mang Nick na natangayan ng halagang P5,000.

Nabatid na pasimpleng bumaba ng sasakyan ang suspek kasama ang dalawang iba pa, bitbit ang pitaka ng biktima, kung saan tumulong sa pag-habol ang mga pasahero ng jeep na naging dahilan ng pagkaaresto nito, habang pinaghahanap pa ang mga kasama nito.

Samantala, detenido ngayon ang suspek sa Marilao Municipal Jail habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.

(TONY  DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.