Nora Aunor, kahit extra lang, trinatong bida sa pelikula

 MAYROONG MGA tapat na taga-suporta ni ER Ejercito ang nagre-react sa mga tagahanga ni Nora Aunor, dahil mayroon daw Noranians na kung makapag-claim sa pelikulang El Presidente ay parang pelikula talaga ng Superstar ang nasabing project na halos dalawang taon na ring ipinabubusisi ni ER para mapaganda. Dahil ang intensiyon niya ay mahigitan pa nito ang kalidad ng nauna niyang project nu’ng nakaraang taon, lalo pa nga’t kasali rin ito sa darating na Metro Manila Film Festival sa December.

Ganu’n naman talaga ang mga tagahanga, na sobra nilang ipinagmamalaki ang mga pelikulang ginagawa ng kanilang idolo, lalo pa nga si Nora, na sa kanyang pagbabalik-showbiz nu’ng nakaraang taon, isa nga ang movie nila ni ER sa kanyang tinutukan. Pero ang totoo nga nito, kay ER talaga umiikot ang kabuuan ng kuwento ng nasabing pelikula, at sa unang plano ay guest role lang iyong kay Nora na paglabas sa nasabing pelikula.

Pero ang mas totoo sa isyu, mabait si ER at marespeto talaga siya sa kanyang mga nakakasama sa trabaho sa industriya.  Kahit naman du’n sa unang aktres na pinag-alukan ng role na ginagampanan ngayon ni Nora sa movie nila ni ER ay nagpakita rin ang dating magaling na kontrabida ng kaukulang respeto. Superstar si Guy, kaya kung ano ang nararapat na pagtrato sa kanya bilang kasama sa El Presidente, sobra-sobrang ipinagkakaloob ni ER, kaya kahit siya ang talagang bida sa nasabing obra ay markado na rin ‘yan sa pangalan ni Aunor.

 

SOBRANG HAPPY si Judy Ann Santos, dahil sa takbo ng kanyang buhay ngayon ay balanse talaga ang lahat. Makikita naman iyon sa kanyang hitsura, dahil sa ginanap na presscon ng Master Chef, Pinoy Edition ng ABS-CBN ay ang ganda-ganda niya, lalong sumeksi at ang kinis-kinis niya. Hitsurang kung kalian siya nagkaanak ay tsaka siya nagmukhang dalaga. Aminado siya na ang nagpapasaya sa kanya ay ang mga bagong pangyayari sa kanyang buhay.

“‘Yung tipong kapag nagplano ka nang mag-asawa, akala mo’y ‘yun na ‘yon kasi’y sinasabi nilang lalagay ka na sa tahimik. ‘Yung nangyari kasi sa akin, pinlano ko talaga na kung kinakailangan, pagbubuhusan ko talaga ng panahon ang pamilya ko, namin ni Ryan. Kaso lang, nu’ng narito na kami ni Ryan sa loob ng kasal, mas may iba pa pala kaming magagawa,” wika ni Juday.

Nag-aral naman talaga si Juday ng pagluluto, at iyon ay dahil sa negosyo niya dati at para na rin sa mga bago niyang planong negosyo. Hindi niya alam na magugustuhan niya rin palang mag-host ng cooking show. “Noong una akong sumalang sa Master Chef ay si Ryan ang nagpalakas ng loob ko. TV host siya, kaya naniwala ako sa kanya. Sabi niya, i-enjoy ko lang daw ang mga gagawin ko, at masasanay rin daw ako. Ngayon nga, sobrang naaaliw na ako sa pagho-host ko sa show ko,” wika pa ni Juday.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Related Post

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.