Non-Wage Benefits Para sa mga Manggagawa, Ibinida; TUCP, ‘Di Kuntento

WALANG AASAHANG dag-dag-sahod ang mga manggagawa sa Mayo 1.

Sinabi ni National Wages and Productivity Commission (NWPC) Executive Director Ciriaco Lagunsad III na sang-ayon sa patakaran ay kai-langang maghintay ng isang taon bago magpatupad ng panibagong dagdag-sahod.

Hunyo 3, 2012 nang ilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boar-National Capital Region (RTWPB-NCR) ang wage order sa P30 umento sa arawang sahod, kaya kung may bago anyang dagdag-sahod ngayong taon ay maaantala ito.

Gayunman, ibinida ni Lagunsad ang mga non-wage benefits ng mga manggagawa.

Kabilang anya rito ang tulong ng Pag-IBIG Fund at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pabahay.

Sa ilalim anya nito, tutulungang magkabahay ang mga manggagawa kung saan papatak lang sa P2,000 ang renta kada buwan sa loob ng 30 taon para maging pagmamay-ari nila ang bahay.

Bukod anya sa pabahay, may alok ding educational loan ang Social Security System (SSS) na aabot sa P20,000 kada semestre.

Idinagdag pa ni Lagunsad ang plano ng pamahalaan sa PhilHealth kung saan, “By 2016, we are dreaming, we are hoping and we are doing something about it that everybody will be covered by health insurance.”

Batid ng NWPC na posibleng hindi kagatin ng ilang manggagawa ang non-wage benefits sa Labor Day, pero giit niya, “Mas malaki ang epekto nun sa income ng workers.”

Bukod rin anya sa non-wage benefits, may iba pang regalo ang pamahalaan sa mga manggagawa sa Mayo 1 pero si Pangulong Benigno  ‘Noynoy’ Aquino III na ang mag-aanunsyo nito.

Sa kabila ng mga ibi-nidang benepisyo sa mga manggagawa, humihirit pa ng dagdag ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).

Ayon kay TUCP Advocacy officer Allan Tanjusay, bagama’t nagpapasalamat sila sa mga sinabi ni Lagunsad ay kulang pa ito para sa mga manggagawang hirap na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Hirit niya, moratorium sa tuition increase, renta at si-ngil sa kuryente at tubig.

Samantala, humihirit din ng rice subsidy at refund sa buwis ang TUCP.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.