No Shootout – de Lima

DEFINITELY, NO shootout.” Ito ang naging konklusyon ni Justice Secretary Leila de Lima matapos ang isinagawang re-enactment ng National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring pamamaril sa Barangay Lumutan, Atimonan, Quezon noong Enero 6.

Ibinase ang pagsasadula sa “highly explosive” na mga testimonya ng tatlong testigo ng NBI, kung saan ilang ahente rin ng kagawaran ang nakibahagi sa re-enactment.

Sa nasabing pagsasadula, ipinuwesto ang dalawang Montero na sinakyan ng grupo ni Vic Siman sa direksyon patungong Maynila, pero nasa bahagi ito ng left lane o daanan ng mga papunta sa Bicol.

Samantala, may isa namang Isuzu truck ang inilagay sa likod ng ikalawang Montero, habang may tatlong unmarked vehicles pa ang nasa baba ng bangketa.

Lumalabas sa testimonya ng dalawang testigo, pagdating ng dalawang Montero ng grupo ni Siman ay biglang lumabas sa kalsada ang mga sundalo at mga pulis na ilan ay unipormado at naka-sibilyan.

Dala umano ng mga ito ang signages ng checkpoint.

May lumabas ding military truck sa kalsada at ihinarang sa mga Montero.

Bago dumating sa lugar, may in-overtake na isang truck ang dalawang Montero na nagkataong sinasakyan ng tatlong witness.

Sinabi pa ng dalawa na pagkaharang ng signage ng checkpoint, may nag-utos sa mga sakay ng Montero na bumaba at nang hindi bumaba ay may isang naka-sibilyang lalaki na nag-utos na “Fire! Fire!” o paputukan ang dalawang kotse.

Tumagal ang pamamaril ng 20 minuto base sa na-ging pahayag ni De Lima.

Matapos ang unang putukan, may isang putok ang nagmula sa loob ng isang sasakyan. Mula ito sa isang lalaking nakaupo sa passenger side ng unang Montero.

Kasunod nito, may nag-utos muli na paputukan ang Montero at tumagal naman ito ng 7 hanggang 8 minuto.

May dalawang lumabas sa Montero sa left side ng bangketa. Isa rito si Tirso “Jun” Lontoc.

Sinabi ni De Lima na may isang unipormado na may dalang mahabang baril at isang naka-sibilyan na may short firearm ang lumapit kay Lontoc. Kahit nakataas na ang mga kamay nito ay pinaputukan pa rin hanggang mamatay.

Sa dalawang testigong humarap sa re-enactment, unang lumantad ang isang lalaking nakasumbrero, nakasalamin pero nakatakip ng scarf ang mukha.

Inayos niya ang puwesto ng mga umaaktong sundalo na nakatayo sa tatlong unmarked vehicles sa baba ng bangketa.

Samantala, isa naman sa tatlong testigo ay hindi na lumabas sa re-enactment dahil sa takot.

Matapos ang re-enactment, iginiit ni De Lima na wala silang pagdududa sa kredibilidad ng mga testigo.

Binigyang diin ng kalihim, “Definitely, no shootout.”

Sa ngayon, isinailalim na sa Witness Protection Program (WPP) ang mga testigo at binibigyan na rin ng proteksyon ang mga pamilya ng mga ito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.