NO MERCY FOR MERCI AT ANG BIYAYA NI DON RAMON SA KYUSI

MISTULANG ROBIN HOOD itong si “Don Ramon” noong nakaraang linggo ayon sa ating spy d’yan sa Quezon City.

Ang medyo kaibahan lang, parekoy, dahil hindi siya namigay ng grasya sa poor and needy kundi sa corrupt and mighty!

Sa mga opisyal ng pulis, sa mga matataas na opisyal sa City Hall at sa ilang mga taga-Media!

‘Yan, parekoy, ang sinigurado ni Don Ramon na mabusog upang walang problema ang kanyang iligal na gawain sa nasabing Lungsod.

Pero ayon pa sa ating spy, hindi mamumudmod sa kanila ng biyaya si Don Ramon kung hindi muna inayos ang “diyos” ng Kyusi…

‘Yan na nga ba ang sinasabi natin dito kay Bistek, parekoy, mukhang lumalaban na lang talaga ng pakapalan ng mukha ang hinayupak!!!

Kaya nga wala nang pakundangan kung rumatsada ang mga iligalista sa Quezon City… Ang kapal mo!!!

WALA NANG MAKAPIPIGIL, parekoy, sa pagpapatalsik sa pamamagitan ng “impeachment” dito kay Ombudsman Merceditas Gutierrez!

‘Yan ang nababasa natin sa kasalukuyang kaganapan sa House justice committee.

Kahit pa nga gumagawa si Merci ng isang senaryo kung saan ang napakatagal na panahon ng nakatengga sa kanilang tanggapan na motion for reconsideration sa graft case ng tatay ni Rep. Niel Tupaz Jr. ay kaagad inirekomenda ni Merci for filing sa Sandiganbayan.

Halata naman, parekoy, na may 2 mo-tibo si Ombudsman Gutierrez kung bakit bigla niyang iniligwak ang nasabing kaso ni dating Gov. Niel Tupaz Sr.

Una, upang mapilitang mag-inhibit kahit sa huling sandali ang anak nitong chairman ng House justice committee na si Rep Niel Tupaz Jr.

Ang kaso, parekoy, lalo itong napikon kay Merceditas!

Pangalawa, upang bigyang-babala ni Merci ang mga mambabatas na kasaluku-yang may “pending case” sa Ombudsman.

Na para bang sinasabing… ooops, maghinay-hinay kayo at baka bigla ring maisampa sa Sandiganbayan ang mga kaso ninyo na nasa tanggapan ko!

Ang siste, parekoy, hindi pinatulan ng mga switik na congressmen ang bitag ni Merci…

Anuman daw ang motibo nito, kailangang harapin na muna ni Gutierrez doon sa Senado ang kanyang impeachment!!!

Hahaha, tama lang ‘yan, parekoy, sa sobrang pahirap sa taumbayan ng impaktong Merci na ‘yan sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-sabwatan sa mga buwaya sa pamahalaan, dapat lang siyang talupan ng buhay!!!

Sugod mga kapatid… isulong ang impeachment… no mercy for Merci!!!

INAANYAYAHAN KO PO kayong makinig sa aking programa sa radio na ALARMA KINSE TRENTA, tuwing 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes, sa DZME 1530 kHz (dulong kanan ng talapihitan).

Sa programang ito ninyo maririnig ang tunay na walang takot at walang kinikilingang komentaryo sa mga napapanahong isyu.

Maaari rin po ninyo akong marinig at mapanood sa internet, 6-7 ng umaga sa www.dzme1530.com

Anumang sumbong, i-text lang sa 09152121303 o kaya’y mag-e-mail sa junbriones69@yahoo.com

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.