Netizens, ‘wag kabahan sa online libel – DoJ

PINAWI NG Department of Justice (DoJ) ang pangamba ng mga netizen hinggil sa “online libel” sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act o RA 101-75.

Sinabi ni DoJ Office of Cybercrime head Assistant Secretary Geronimo Sy na ang e-libel provision sa naturang batas ay kapareho ng libel sa ilalim ng Revised Penal Code at nagkaiba lang ito sa porma o mode of commission.

Tiniyak ni Sy na magiging balanse ang ahensiya sa “right to freedom of speech and expression” at ang “right to reputation” ng mga mamamayan sa pag-iral sa internet libel provision.

Aniya, hindi naman nagbabago ang posisyon ng DoJ sa isyu ng libel kung saan bibigyan nila ng halaga ang karapatan sa malayang pamamahayag, pero poprotektahan din nila ang karapatan sa reputasyon ng isang tao.

Ito’y kahit na inalis na ang “online libel” sa anti-cybercrime law habang gagamitin pa rin ng ahensiya ang mga umiiral na jurisprudence, kaso at legal framework sa pagtugon sa mga libel issues.

Inihayag pa nito na hindi nila prayoridad ang paghabol sa mga libel cases dahil may higit pang malalang cybercrime offenses.

Tiniyak din ng DoJ na dadaan sa tamang proseso gaya na lamang ng public consultation ang pag-amyenda sa Implementing Rules and Regulations (IRR) na isa sa gagawing basehan sa pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act o RA 101-75.

Sinabi pa ni Sy na ito ang isa sa magiging hakbang ng SC matapos na ideklarang “unconstitutional” ang ilang probisyon ng batas.

Ayon sa opisyal, hihintayin ng tanggapan ang magiging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa mga ihahaing motion for reconsideration.

Nabatid na sinimulan nang balangkasin ng DOJ ang IRR hinggil sa Cybercrime Law, 10 taon na ang nakakalipas o bago pa man ito malagdaan bilang ganap na batas.

Sa ilalim din ng Revised Penal Code, ang pinakamabigat na parusa sa libelo ay hanggang anim na taong pagkabilanggo, pero sa ilalim ng Cybercrime Law, dinoble ang maximum penalty at ito ay ginawang 12 taon.

Aminado din ang pamunuan ng PNP Anti-cybercrime group na hindi garantiya na kaagad mahuhuli ang isang indibidwal na naninira sa isang tao gamit ang social networking sites kasunod ng pagkakaalis ng TRO ng anti-cybercrime law.

Sinabi ni PNP anti-cybercrime group chief, S/Supt. Gilbert Sosa na mahirap tukuyin ang isang suspek sa online libel lalo’t ibang litrato at mga impormasyon ang inilagay nito sa kanyang profile.

Iginiit ni Sosa na digital evidence aniya ang kailangan dito na madali naman burahin ng salarin.

Dahil dito papasok pa rin umano ang tradisyunal na imbestigasyon para mapatunayan ang taong nanira sa isang indibidwal ang gumamit ng computer, dagdag pa nito.

Maging si Pangulong Aquino ay kinatigan ang desisyon ng SC na nagsasabing pabor sa Saligang Batas ang Cyber Libel.

Ito’y sa harap ng pangamba ng ilang online journalists, netizens, bloggers na mahilig magkomento sa Twitter at Facebook dahil daw sa pagsupil sa karapatan sa pamamahayag.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.