Negosyanteng Intsik, patay sa martilyo ng trabahador

 

ISANG NEGOSYANTENG CHINESE national ang nasawi makaraang pagpapaluin ng martilyo sa ulo ng isa sa kanyang mga trabahador na umano’y nagalit sa biktima, matapos na hindi nito payagan ang mga salarin na makapagbakasyon sa kani-kanilang probinsiya, iniulat ng Valenzuela Police kahapon ng umaga.

Wala nang buhay at naliligo sa sariling dugo nang madatnan nina Yuri Go at Alfredo Estoras ang biktimang si Wang Wen Xing, alyas “Jeffly Ong,” 31, binata, may-ari ng Cosang Plastic Manufacturing na matatagpuan sa # 9 Sigma St., Don Pablo Subdivision, Brgy. Rinco, Valenzuela.

Sa report kay P/Sr. Supt. Wilben M. Mayor, hepe ng Valenzuela Police, nadakip sa follow-up operation ang walo sa siyam na suspek na sina Isagani Epis, 20, ng # 287 Sotcuburry St., 10th Ave., Caloocan City; Ryan Fernandez, 21; Edgardo Camanso, 22; magpipinsan na sina Joel Sabandal, 20, Jerry Sabandal, 22, at Nelson Sabandal, 24; Wilson Dait, 22; at Michael Pedad Andres, 21, stay-in workers ng nabanggit na pabrika.

Pinaghahanap pa ng mga pulis si Reagan Arboneda, 24, na umano’y mastermind at mismong pumalo sa ulo ni Xing na umano’y nagtatago sa Pasig City.

Ayon kay Mayor, sina Ryan, Edgardo, Wilson, Isagani at ang tatlong magpipinsan ay nadakip nina P/Inspector Rodel Tejuco, hepe ng Follow-Up Division at SPO3 Manny Griarte sa Sogod, Southern Leyte, noong Martes ng umaga, habang si Michael ay naaresto naman ni P/ Chief Inspector Danilo S. Bugay, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) sa Davao City, matapos sumuko kay Mayor Sarah Duterte.

Sa ulat nina SPO2 Boy Delima at PO3 Ronald Subosa, bandang alas-4:30 ng hapon nang paluin ng martilyo sa ulo ni Arboneda si Xing sa loob ng nasabing establisimyento.

Nabatid na nagpapaalam umano at humihingi ng pera ang mga suspek dahil nais nilang magbakasyon sa kani-kanilang probinsiya, pero hindi ito pinayagan ng biktima.

“May kutob na kami na ang mga trabahador ang gumawa ng krimen, kaya ipinakuha ‘yung kanilang record at pinapuntahan ko kaagad sa province nila, kasi alam kong doon sila magtatago,” ani P/ Sr. Supt. Mayor.  (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.