Negosyante, Pinatay o Nagpakamatay?

ISANG BANGKAY ng lalaki ang natagpuan patay sa loob ng kanyang comfort room na may tama ng saksak sa katawan sa Caloocan City, iniulat ng pulisya kahapon ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Henry Fabon, 54, negosyante, binata, tubong-Tuguegarao at kasalukuyang naninirahan sa Block 18, Miramonte Park West, Brgy. 180 ng nabanggit na lungsod.

Batay sa isinagawang im-bestigasyon ni PO3 Reynaldo Placido, may hawak ng kaso, bandang alas-10:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang palikuran.

Nakita ang biktima na may isang tama ng saksak sa kanyang sikmura at nakaupo sa sementadong sahig ng banyo.

Nabatid na ang pagkakadiskubre sa bangkay ni Fabon ay sanhi ng masangsang amoy na nagmumula sa loob ng bahay ng una na hanggang sa barangay hall na ilang metro ang layo ay abot ang masamang amoy.

Kaagad na nagsagawa si deputy barangay EX-O Franck Gonzaga ng pagsisiyasat na humantong sa pagkakadiskubre sa bangkay ni Fabon, kung saan ay hinihinalang tatlo hanggang apat na araw nang patay si Fabon.

Kaagad namang ipinagbigay-alam ni Gonzaga sa pulisya ang pagkakatuklas nito sa bangkay ng biktima, kung saan ay agaran namang nagsagawa ang pulisya ng imbestigasyon.

Nang siyasatin ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pamumuno ni P/Chief Insp. Benigno Asilar ang lugar ng pinangyarihan ng insidente, nakakuha ang mga ito ng dalawang kitchen knife at isang kulay itim na leather wallet na pag-aari ni Fabon na naglalaman ng halagang P5,560.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng follow-up investigation ang pulisya upang malaman kung may naganap na foul play o sadyang nagpakamatay ang biktima sa dahilang walang nakitang bahid ng dugo sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at hindi naman masasabing robbery, dahil hindi naman nawala ang pera ng biktima.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.