Negosyante, nilikida; paslit, sugatan sa ligaw na bala

AGAD BINAWIAN ng buhay ang isang negosyante makaraang tambangan, habang isang batang estudyante ang nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala sa harap ng isang eskwelahan sa Brgy. Bantog, San Miguel, Bulacan kahapon ng umaga.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Fitz Macariola kay PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Joel Orduna, kinilala ang nasawing biktima na si Erickson Malang, 43 anyos, magsasaka; habang sugatan naman sa kaliwang bahagi ng paa si Ann Jayleen Santiago, 6 anyos, makaraang tamaan ng ligaw na bala.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, inihatid lamang ng biktima ang kanyang asawa sa Bantog Elementary School dakong alas-7 ng umaga kung saan ito nagtuturo bilang guro.

Nabatid na papauwi na ang biktima lulan ng tricycle na may plakang  XC-1987 nang bigla na lamang itong paputukan ng tatlong beses ng riding-in tandem, gamit ang cal. 45 baril, kung saan tinamaan naman ng nabasag na tingga ang paa ng paslit, dahilan upang isugod ito sa San Miguel District Hospital.

Samantala, bigo namang matukoy ng mga pulis kung sino at ano ang motibo sa naturang pamamaslang.

(TONY DELA PEÑA)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.