Negosyante, Nahablutan ng Cellphone ng Isang Menor

NAWALA NA parang bula ang mamahaling cellphone ng isang negosyanteng babae makaraang hablutin ng isang mala-palos na menor de edad na lalaki habang ang biktima ay sakay ng isang pampasaherong dyip sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Caloocan City Police Station ang biktima na si Julie Ann Bullos, 43, may-asawa, negosyante at residente ng Antipolo City.

Base sa ulat ng nasabing himpilan ng pulisya, ang insidente ay naganap sa loob ng isang pampasaherong dyip sa kahabaan ng Samson Road ng nabanggit na lungsod dakong alas-8:30 ng gabi.

Sa naging pahayag ng biktima sa pulisya, habang mabilis na binabagtas ng kanyang sinasakyang dyip ang naturang lugar ay mala-palos na nilundag ng suspek ang estribo ng dyip sabay hablot ng kanyang cellphone na Samsung Galaxy Note 11 na nagkakahalaga ng P29,000.

Matapos na makuha ng suspek ang kanyang pakay ay mabilis itong nawala sa kadiliman ng gabi habang kaagad namang nagsadya ang biktima sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya at ini-report ang pagkakahablot ng kanyang cellphone.

Kaagad din namang nagresponsede ang mga elemento ng Caloocan Police sa lugar ng pinangyarihan ng insidente subalit hindi na nakita ang tumakas na suspek.

 (ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.