Negosyante, Arestado sa Baril at Bala

INARESTO NG MGA elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang negosyante sa pamamagitan ng ipinalabas na Search Warrant ng korte, kung saan nahulihan ang suspek ng mga baril at bala sa loob ng kanyang bahay sa Valenzuela City, iniulat ng pulisya kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Chief Inspector Manolo Salvatierra ang naarestong suspek na si Constante Basco Aglibut alyas “Boy” ng Sta. Lucia Village, Phase 4, Friendshipday St., Punturin ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay Salvatierra, bandang alas-6 ng umaga nang salakayin ng kanyang mga tauhan ang bahay ng suspek sa nasabing lugar.

Isang mapagkakatiwalaang impormante ang nagsabi na ang suspek ay nagtatago ng mga baril at mga bala sa loob ng bahay nito.

Agad namang nag-apply ng Search Warrant ang tanggapan ng CIDG. Kaagad namang nagpalabas ng SW ang tanggapan ni Hon. Judge Nena J. Santos, presiding judge ng Valenzuela Regional Trial Court Branch 171.

Nang i-serve ang SW sa suspek kasama ng mga barangay officials ay mabilis na naghalughog ang mga tauhan ng CIDG at  kanilang nakuha ang dalawang .45 caliber pistol at isang caliber .9mm pistol, at maraming bala ng kalibre 45 baril.

Kaagad na ipinagsama ng mga awtoridad sa tanggapan ng CIDG ang suspek para sa kaukulang imbestigasyon.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.