NDF, Idinepensa ang Landmine Attack

MINALIIT NG National Democratic Front (NDF) ang reklamo ng gobyerno ng sa paggamit ng New People’s Army ng landmine sa pinakahuling pag-atake sa Allacapan, Cagayan kung saan walong pulis ang nasawi.

Ayon kay NDF peace negotiating panel chairman Luis Jalandoni, naayon umano sa “international humanitarian law” ang paggamit nila ng tinatawag na “command-detonated landmine”.

Una nang binatikos ni Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Teresita Deles ang nangyaring pag-atake ng NPA gamit ang landmine na aniya’y malinaw na paglabag sa Ottawa Treaty o ang “Convention on the Prohibition of the Use, Stockpiling, Production and Transfer of Anti-Personnel Mines and on their Destruction.”

Sa naturang na insidente, walo ang patay at pito ang sugatan sa mga miyembro ng Special Action Force (SAF) ng PNP Region 2.

Sinabi ni S/Insp. Cesar Orlarnes, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na nangyari ang insidente matapos sumabog ang landmine na itinanim ng mga NPA habang binabagtas ng grupo ang kalsada papunta sa isang medical mission.

Samantala, nagpapatuloy ang hot pursuit operation upang malaman kung may nasawi o nasugatan din sa hanay ng mga NPA.

Maaalala na ang nabanggit na insidente ay nangyari dalawang araw pa lamang ang nakakalipas na pito namang miyembro ng Philippine Marines at siyam ang sugatan sa engkwentro sa bandidong Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.