NBI Search Teams, Binuo Kontra Napoles at Kapatid

BIGO UMANONG maisilbi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang arrest warrant laban sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles na tinuturong utak sa P10 bilyong “pork barrel” fund scam.

Una rito, bumuo ng apat na search teams ang nasabing ahensya para hanapin si Napoles na nahaharap sa kasong illegal detention.

Matatandaang kinasuhan ng NBI si Napoles at kapatid nitong si Reynald “Jojo” Lim dahil sa pagdukot umano kay Benhur Luy, ang tumatayong whistleblower sa multi-billion peso fund scandal.

Sinabi ni Department of Justice (DoJ) Sec. Leila de Lima na walang inirekomendang piyansa ang Makati City Regional Trial Court Branch 150 kay Napoles at kapatid nito.

Una rito, nagpalabas ng “lookout bulletin” ang DoJ laban sa kontrobersyal na negosyante sakaling tangkain nitong umalis ng bansa.

Ikinatuwa naman ng kampo ni Benhur Luy ang arrest order laban kay Napoles at kapatid nito.

Samantala, nagtataka ang kaibigan ng pamilya Napoles na si retired Colonel Ariel Querubin sa biglang pagyaman nito.

Inihayag ni Col. Querubin na nakilala niya si Janet noong dekada ‘90 ngunit hindi siya mayaman kumpara ngayon dahil ang alam niya ay supplier ang trabaho nito.

Kaugnay nito, gagamitin ng Bureau of Internal Revenue ang mga naturang pahayag ni Napoles kung nakadeklara sa kanyang income tax ang kanyang mga negosyo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.