Navotas Nasa State of Calamity

NASA STATE of calamity ang Navotas City matapos ideklara ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco, dahil sa walang patid na pagbayo ng bagyong Gener at nagdulot ng pagbaha matapos magpakawala ng tubig ang mga dam kamakalawa ng umaga.

Magkatuwang na inilikas ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at tanggapan ng pamahalaang lungsod ng ang may 691 pamilya para sa tiyak nilang kaligtasan.

“Ang pagtaas ng tubig ay sanhi ng pag-apaw ng tubig mula sa Manila Bay kahalintulad ng nangyari nooong Bagyong Pedring, kung saan mabilis ang pagpasok ng tubig dahil sa storm surge,” ani pa ni Tiangco.

“Nakadagdag din sa sitwasyon ang mga nasirang pumping stations ng Barangay Bangkulasi at Barangay North Bay Boulevard South (NBBS), nabutas na river walls sa Barangay Bangkulasi at Brgy. Bagumbayan South, at ang pag-apaw ng river dikes sa Barangay NBBS,” dagdag pa nito.

Kasalukuyang nasa maayos at pansamantalang tuluyan ang mga inilikas bago sila hayaang muling makabalik sa kanilang mga bahay paghupa ng baha at patuloy naman ang pagbabantay ng mga volunteer rescuers ng bawat barangay sa mga apektadong lugar sakaling may kailangan pang ilikas.

Ipinahanda na ni Mayor Tiangco ang Brigada ng Kalinisan upang suyurin ang mga basurang mula sa mga lungsod na nagkalat at dinala ng tubig-dagat na nagmula sa Manila Bay, sabay na siniguro rin ng punong lungsod na agad mapopondohan ang pagpapagawa ng mga nasirang river walls at pumping stations upang makapaghanda sa mga susunod na sakuna.

Magmumula ang pondo sa calamity fund ng lungsod na mahigit sa 30-million piso gayundin ang mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuees tulad ng banig, damit, pagkain at gamot.

Nanawagan si Mayor Tiangco sa mga mamamayan ng Navotas na tumutok sa mga anunsiyo ng lokal na pamahalaan ukol sa bagyo, high tide at kanselasyon ng klase sa pamamagitan ng text blast, pakikinig sa balita at Facebook announcements.

Sinabi pa ng alkalde na, “Mataas pa rin ang high tide alert kaya’t patuloy ang aming pag-antabay sa lagay ng panahon lalo’t may mga sirang river walls na maaring maging sanhi muli ng pagpasok ng malaking tubig sa lungsod.”

(MARY H. SAPICO)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.