National Year of the Rice ng nagdaang taon, tagumpay; Riceponsible campaign ngayong taon

MATAGUMPAY SA pangkalahatan ang National Year of the Rice nitong nakaraang taon na pinangunahan ng Philippine Rice Research Institute ng Department of Agriculture (PHILRICE-DA). Ito ang kanilang ipinahayag sa isang pulong balitaan kasabay ng 32nd Annual Convention ng Central Luzon Media Association (CLMA) na ginanap sa punong tanggapan ng PHILRICE sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija kamakalawa.

Matatandaang naging malawakan ang kampanya ng ahensya at ng kagawaran sa pagsulong ng pambansang taon ng bigas kung saan kanilang layunin ay turuan ang mamamayan na huwag magsayang ng kanin, bigas at palay bagkus kumain lamang o kumunsumo ng tamang ubusin.

Sa kampanya ring ito kanilang ipinakita ang hirap ng mga magsasaka sa pagtatanim ng binhing itinuturing ng marami sa mundo maging Pinoy, na pangunahing pagkain o staple food. Kabilang din sa showcase nitong nakaraang NYR ay ang Rice Resarch and development, kung saan ipinamalas ng mga dalubhasa ang mga bagong pagsasaliksik ukol sa mga mas bago pang variety ng palay na akma sa maraming lugar ‘di lang sa bansa kundi pati sa buong mundo. Kasama nito ang mga palay na akma sa mga bahaing lugar, maasin na kapaligiran, mataas, at iba pa.

Mga mamamahayag sa pitong lalawigan (Aurora, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija at Zambales) ng Gitnang Luzon ang nakibahagi sa annual convention ng CLMA, kung saan ang naihalal na pangulo ay ang taga-Nueva Ecija Chapter na si Antonio D. Vallejo kapalit ng dating Pangulo na si Ronald M. Leander.

Ang PHILRICE ay ang rice research and development institute sa ilalim ng Kagawaran ng Pagsasaka at pinangungunahan ni academician Eufemio T. Rasco ng National Academy of Science and Technology.

(MJ BALAGUER)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.