Natalo sa poker Call center agent, isinanla ang hiram na motorsiklo

KULUNGAN ANG KINASADLAKAN ng isang call center agent nang isanla ang hiniram niyang motorsiklo ng kanyang kapitbahay, matapos matalo sa poker noong nakaraang Linggo sa Malabon City.

Nahaharap sa kasong carnapping si Ron Jeff Basilio, 25, may asawa, residente ng No. 123, Road 3, Diam Street, Barangay Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod.

Bago ang pag-aresto kay Basilio, sinabi ni SPO1 Manny Griarte, hepe ng Anti-Carnapping Unit ng Valenzuela Police, hiniram ng suspek ang Yamaha Hayate (6337-N1) ng kanyang kapitbahay na si Raquel Cordero, 32, may asawa, noong Abril 3, 2011.

Dito ay nagpunta si Basilio sa CYC Poker Sports Club sa Barangay Potrero, Malabon City at nagsugal ng poker na humantong sa kanyang pagkatalo.

Sa kagustuhang makabawi sa pagkatalo sa poker, isinanla ni Basilio ang motor sa halagang P7,000 kay Ariel Pinon, supervisor ng nasabing poker club, pero natalong muli.

Nabatid na ibinigay naman ni Pinon ang motorsiklo kay PO1 Joel Baliong, nakatalaga sa District Investigation Division ng Northern Police District.

Lumipas ang isang Linggo, nag-text si Cordero kay Basilio at hinanap na ang motor.

“Nagtapat na ang suspek kay Cordero na isinanla niya ang motor at umuutang ito ng P12,000 para raw pantubos at ‘yung P5,000 ay pang-areglo raw sa pulis,” ani SPO1 Griarte.

Humingi ng tulong si Cordero sa opisina ni SPO1 Griarte at inaresto si Basilio sa harap ng Jollibee sa Barangay Marulas, dakong alas 4:00, kamakalawa ng hapon. Ayaw namang ibigay ni PO1 Baliong ang motorsiklo sa pamilya Cordero.

Pinag-iisipan na ni Griarte ang kasong isasampa sa nasabing pulis.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

One thought on “Natalo sa poker Call center agent, isinanla ang hiram na motorsiklo

Leave a Reply

Your email address will not be published.