Natagpuan sa loob ng sako Nawawalang Kelot, Palutang-Lutang sa Dagat

NAKAPALOOB SA sako, palutang-lutang at wala nang buhay nang matagpuan ang isang lalaki na may limang araw nang nawawala sa karagatan sa Sitio Manay-as, Brgy. Lambog, Lungsod ng Badian, Cebu.

Kinilala ang biktima na si Carmelo Caputol, 46, binata, residente ng Brgy. Poblacion sa naturang lungsod.

Ayon kay PO2 William Beltran, isang mangingisda umano ang nakakita kay Caputol sa karagatan.

Sinasabing habang namimingwit ng isda si Agaton Tejada, 45, residente sa nasabing lugar, sakay sa kanyang motor bangka, ay bigla na lang itong nakakita ng isang sako na kulay dilaw.

Nagulat na lang ito nang makita ang isang kamay mula sa loob ng sako, kaya dali-dali niya itong kinuha at dinala sa dalampasigan ang bangkay.

Nakitaan ang biktima ng sugat sa kanyang ulo na siyang pinaghihinalaang dahilan sa pagkamatay nito.

Positibo rin itong kinilala ng kanyang kapatid at kasalukuyan nang nakaburol sa St. Anne Funeral Parlor.

Ayon sa kapatid ng biktima, noong Hulyo 2 pa umano nawawala ang kanyang kapatid at huli itong nakita na nag-iinuman sa isang tindahan.

Samantala, patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mga awtoridad para matukoy ang mga suspek na nasa likod ng insidente. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.