Nasaan sina Joel at Josel?

NOONG BIYERNES, FEBRUARY 11, 2011, dumulog sa WANTED SA RADYO sa 92.3 FM ang taga-Caloocan City na si Jean Villaruz dahil nawawala ang kamag-anak niyang si Joel at ang asawa nitong si Josel.

Ayon kay Jean, si Joel ay da-ting driver ni Mayor Tony Dimayuga ng San Pascual, Batangas samantalang si Josel naman ay dating alalay ng asawa ni mayor.

Noong October 13, 2010, nakausap pa ni Jean ang mag-asawa at ikinuwento sa kanya ng dalawa na nawawalan ng P10,000 si mayor at pinatatawag sila maging ang ilan nilang mga kasamahan para imbestigahan daw.

Iyon na ang huling pag-uusap sa pagitan ng mag-asawa at ni Jean. Noong October 14, at sa mga sumunod na araw, ‘di na ma-contact ang mag-asawa. Naka-off na rin ang mga cellphone nila.

At noong October 25, sinadya na ni Jean si Mayor Dimayuga sa Batangas para alamin ang kalagayan ng kanyang mga kamag-anak. Pero sinabihan siya ni Dimayuga na nag-resign na ang dalawa at hindi niya alam kung nasaan na ang mga ito.

Nakausap ng inyong SHOOTING RANGE sa telepono si mayor at sinabi niyang nag-resign na nga ang mga dati niyang empleyadong mag-asawa. Ayon pa kay mayor, ang dahilan daw sa pagdali-daling pagre-resign ng mag-asawa ay dahil nais na nilang makapiling ang kanilang anak. Hindi matiyak ni mayor ang araw kung kailan nag-resign ang dalawa.

Pero sinabi ko kay mayor na kung ang ibinigay na dahilan nila Joel at Josel sa kanilang pag-resign ay dahil gusto na nilang makapiling ang kanilang anak, bakit matapos silang mag-resign noong Oktubre, hanggang ngayon ay hindi pa sila nagpapakita sa kanilang anak?

Tinanong ko rin kay mayor kung bakit hindi rin kinubra ng dalawa ang kanilang isang kinsenas na suweldo sa munisipyo nang sila ay mag-resign?

Inamin ni Dimayuga na totoo ngang hindi kinubra ng mag-asawa ang huli nilang suweldo pero hindi raw niya alam kung bakit. Ang tanging nalalaman lang daw niya, base raw sa kanyang naobserbahan, parang hindi raw masyadong magkasundo ang mag-asawa at tila madalas daw nag-aaway.

TINAWAGAN NG WSR si NBI Director Magtanggol Gatdula para ilapit sa kanya ang kaso ng mag-asawang Joel at Josel Calagos. Ayon kay Gatdula hindi pa maaa-ring magsagawa ng imbestigasyon ang NBI dahil hindi pa maituturing na krimen ang pagkakawala ng dalawa – maliban na lamang kung may lumutang na testigo na magsasabing sila ay mga biktima ng krimen.

Sa ngayon, maituturing pa lamang na mga missing persons sina Joel at Josel ayon kay Gatdula. At sa tulong ng WSR naipa-blotter na sa PNP at sa NBI ang pagkawala ng mag-asawa.

Sa puntong ito, nais manawagan ng inyong SHOOTING RANGE sa kung sinuman ang nakakaalam sa kinaroroonan nina Joel at Josel o kung ano pa man ang nangyari sa kanila, mangyari lamang ay ipagbigay-alam kay Jean Villaruz sa 0909-822-4300 o dili kaya sa WSR hotline na 0917-7-WANTED o sa hotline ng ITIMBRE MO KAY TULFO na 0908-87-TULFO.

Panoorin ang WANTED sa TV5 tuwing Biyernes, pagkatapos ng Aksyon Journalismo. Ang WSR naman ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.