Napraning sa Malaysia

MARAMI-RAMI NA RIN naman akong napasyalang bansa sa tulong ng mga sponsors.

Nitong Oktubre 29, nakabalik ako sa Kuala Lumpur, Malaysia pagkatapos ng labing isang taon. Una akong nakarating sa Malaysia noong 1999 sa panahon ng Asia-Pacific Economic Cooperation o Apec na ginanap sa Palace of the Golden Horses.

Doon ko nakilala sina Willie Revillame at Randy Santiago dahil tatlong araw natin silang kasa-kasama sa mga gimikan with Karen Davila na neneng-nene pa noon.

Group tour iyon kasama ang aking pamilya at ang pamilya ni Anthony Taberna. Kasama sana si Gerry Baja at ang kanyang pamilya pero may urgent appointment siya kaya hindi nakatuloy.

Dismayado ako sa aking pagbabalik sa bansa ni Mahathir.

Up close and personal, saksi tayo sa masamang sistema ng mga mamamayan doon sa kanilang mga turista.

Tumuloy kami sa Cititel Express, isang hotel na abot-tanaw ang pamosong Petronas Tower. Mula sa floor ng hotel namin, doon ko nadiskubre na wala palang dahilan para magalit ang Malaysian government kina Sean Connery at Catherine Zeta-Jones nang ipakita sa kanilang Entrapment movie ang mga squatters area na ang kuha ay mula sa Petronas Tower.

Ang malinis lang sa Malaysia ay ang area ng Petronas at KL Tower. Lahat halos ng area na mapupuntahan mo ay kung hindi saksakan ng baho, sobrang dumi pa.

Parang Singapore din, kapag napunta ka sa Gaylang area, mapagkakamalan mong Junior Payatas ang lugar.

Doon lang ako nakakita na ang housekeeping ng hotel ay nagsasara. Hindi ka na puwedeng mag-request ng towel or adaptor kapag alas-siyete na ng gabi.

Sa normal na hotel operation sa buong mundo, ang mga housekeeping ay parang gising beinte kuwatro oras dahil nga sa mga immediate na pangangailangan ng mga guests sa magdamag.

Ang mga taxi driver nila, wala ring pinag-iba na mga abusadong taxi driver dito sa atin. Mahilig ding manloko at mangontrata ng pasahero.

Iyong isang nasakyan namin mula sa Mid Valley Megamall, nadale kami ng 15 ringgit (multiply n’yo by P14). Inikot kami nang inikot kung saan-saan hindi naman pala alam ang daan pabalik sa aming hotel.

Nang maramdaman kong nililigaw na kami, lumipat kami ng taxi pero kailangan kong bayaran ang naging patak ng metro. Sa paglipat namin ng taxi, kontrata agad ang gusto ng driver dahil siya raw alam niya ang hotel namin.

Para wala na lang maraming usapan, sige na rin, pumayag na ko sa kinse ringgit.

Maliit na pera sa tingin ang kinse ringgit pero sa distansiya mula Mid Valley hanggang sa hotel namin, normal na ang siyete ringgit.

Presto, wala pang limang minuto, nakarating na kami sa aming hotel. Malamang pasipul-sipol pa ang dalawang driver dahil nakaisa sila sa mga bisita nila.

Ganoon din pala ang nangyari sa isang grupo pa namin, niligaw rin sila ng driver.

Linggo ng umaga, kaming grupo ng 23 katao, including 3 children, ay sumakay ulit ng taxi papuntang Central bus station. Doon ang sakayan ng bus patungong Genting Highlands.

Isa sa atraksiyon ng Malaysia ang Genting Highlands dahil theme park iyon sa bundok at resort casino. Nakapunta na ako doon noong 1999, pero gusto ko ring mapuntahan ng mga kasama ko.

Nakuha namin ang schedules ng pag-alis ng mga bus, kada isang oras, biyahe na sila may laman man o wala. Sa pasaheng 4.30 ringgit sa adult at 3.30 ringgit sa bata, matipid na iyon kaysa umarkila ng bus o coaster na 25 per head.

Para kaming pukyutan ni Anthony na dinumog ng mga taxi divers sa pag-aalok na ihatid kami sa Genting Highlands sa presyong 80 ringgit bawat taxi na apat lamang dapat ang pasahero bawat isa.

Mag-aala-una kami ng hapon nasa terminal, kaya ang expected naming alis ay ala-una or kung magipit sa oras, sa alas-dos na kaming biyahe.

Pero mukhang kasabwat din ang mga takilyera ng bus dahil napansin ni Anthony na nagpaskil sila ng Next trip 3:30 habang kinukumbinsi kami ng mga taxi divers.

Palibhasa’y utak-kriminal din naman kami, hindi na lang kami tumuloy dahil baka kung ano’ng plano ng mga drivers kapag kinuha namin ang kanilang serbisyo.

Habang paalis kami, ayaw kaming tigilan, kahit saan nakasunod. Hindi ka rin makakakuha ng bagong taxi dahil kakausapin nila in Malay language para ibigay rin ang kanilang presyo.

Hayun, balik kami sa Mid Valley Megamall para wala nang aberya pero 12 ringgit ang siningil sa amin ng dispatser na babayaran mo ang kupon sa counter. Sa lapit ng area, dapat ay six ringgit lang.

Hindi ka rin naman kasi makapag-iikot sa malapit sa hotel namin sa Chowkit Wet Market area dahil marami rin palang holdaper at snatcher sa area.

Pupunta sana kami sa tinatawag na Paradise Club para sana makahigop man lang ng isa o dalawang serbesa pang-relax.

Pero may babala na agad sa amin ang bell boy ng hotel, ang mga GRO at waitress daw roon, naglalagay ng Ativan o pampatulog sa inumin at pagkatapos ay kukunin ang lahat ng gamit mo ‘pag wala ka nang malay.

Hay buhay, ano ba namang klaseng bakasyon ito? Kaya ko nga sinunggaban ang biyaheng libre dahil gusto ko namang makapag-relax at makatakas sa dami ng obligasyon dito.

Hayun, nakarma ang pasyal, sa halip na makapag-relax, wala na akong ginawa kung hindi lumingon kaliwa’t kanan para ‘di pa madukutan.

Napagod ako sa kababantay sa mga mangyayari sa amin. Kakapraning!

Ngayon, gusto n’yo pang mamasyal sa Malaysia Truly Asia?

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

One thought on “Napraning sa Malaysia

  1. I’ve been in Malaysia for 2 yrs. Ilan sa mga sinabi mo oo totoo un. Like yung sa mga drivers dun ay nangongontrata din at minsan ililigaw ka talaga lalo nat alam nilang turista. There are few places in KL na madumi at mabaho nga pero malinis sa Malaysia, super at ease manirahan dun. Low cost living pa. About holdapan ewan ko lang. Mahilig nga ako mag gagagala mag isa kahit alanganing oras. Its better din kasi matutunan kahit kaunti own language nila pero marunong naman english ang karamihan. Dami nga nag ooverstay dun kasi sarap ng buhay. Anyway kanya kanyang experience po yan.

Leave a Reply

Your email address will not be published.