Napoles, Sangkot Din sa Non-PDAF Scam

ISINANGKOT SA panibagong anomalya ang tinaguriang reyna ng pork barrel fund scam na si Janet Lim-Napoles.

Sinabi ni Atty. Levito Baligod na inaayos na ng mga whistleblower ang kaso sa non-Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na kinasasangkutan din umano ng negosyante at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Pakahulugan niya rito, “May mga pondo na nahingi ang ating mga legislator na hindi PDAF na dumaan kay Ginang Napoles.”

Partikular na tinukoy ni Baligod ang National Agricultural Fisheries Council (NAFC) na anya’y may pondo na nahihingi ng mambabatas.

Isiniwalat din niya ang P407 milyong pondo ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na naibulsa umano ni Napoles.

“Sa DOTC, merong P407 milyon para sa purchase ng mga computer na wala namang delivery at lahat ito ay dumaan sa isang kumpanya ni Ginang Napoles, ‘yung Jocris Trading.”

Ayon kay Baligod, may panibago silang grupo ng mga whistleblower sa non-PDAF scam.

May mga ebidensya din na aniya sila rito at napipintong isampa ang kaso sa susunod na taon.

Hinggil sa naturang PDAF scam, nasa National Bureau of Investigation (NBI) na aniya ang lahat ng affidavit.

Mananatili pa rin sa safe house ang limang testigong nasa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ngayong Kapaskuhan.

Binigyang permiso rin silang makita ng kanilang mga kaanak pero hindi sa nabanggit na lugar.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.