Napoles, Ilang Mambabatas, Atbp, Naghatian sa P10-B Pork

IBINUNYAG NG pangunahing whistleblower sa P10 bilyong pork barrel fund scam na nakakuha ng milyun-milyong halaga ng pera ang mga senador at kongresista mula kay Janet Lim-Napoles sa pamamagitan ng chief of staff ng mga ito.

Sa kanyang pagharap sa Senado, ipinaliwanag ni Luy ang naging proseso sa mga pekeng organisasyon ni Napoles, ang umano’y utak ng scam.

Ang naturang hatian aniya, 10% sa mga opisyal ng implementing agencies, 40% kay Napoles at 50% sa mambabatas kasama na rito ang komisyon sa chief of staff.

Una aniya, nagkakausap ang mga senador at si Napoles. Sasabihin ng mambabatas kay Napoles na may PDAF na sila at itatanong kung saang non-governmental organizations (NGOs) ito maaaring ilagay. Sakop din nito ang special funds ng mga mambabatas.

Sinabi ni Luy na kadalasang sinasabi ni Napoles na, “Sige Sir, tatawag muna ako ng agencies kung saan p’wede. Tumitingin kami sa DBM (Department of Budget and Management) menu.”

Dito na magkakaroon ng rebate sa pamamagitan ng cash, fund transfer at iba pa. Pinakamababang napupunta sa mambabatas ay 40%.

Agad na ibibigay ni Napoles ang unang bahagi ng hatian nang cash. Niluluwalan niya ito dahil may sarili itong pinagkukunan.

Dito na gagawa ng draft letters ang mga tauhan ni Napoles para sa chief of staff ng mga senador at kongresista tungkol sa proyekto.

Matatanggap ito ng DBM na siyang magri-release ng pondo. Maglalabas ito ng Special Allotment Release Order (SARO).

Oras naman na matanggap ni Napoles ang SARO, ibibigay na nito ang ikalawang bahagi ng rebate. Ngunit kailangan kumpleto sa dokumento tulad ng endorsement letters at MOA na pirmado ng mga mambabatas.

Mapupunta na ang endorsement letter sa implementing agency na siyang maglalabas ng pondo sa NGOs na tinukoy ng mga senador.

Isiniwalat ni Luy na ibinibigay naman nila ang pera sa mga mambabatas sa pamamagitan ng account number ng mga ito at pagpunta sa mga chief of staff sa kanilang opisina.

Aminado rin si Luy na wala siyang nakitang senador na personal na kumuha ng pera mula kay Napoles o sa kanilang opisina.

Minsan din aniya kasama ang mga chief of staff sa pag-withdraw ng pera sa bangko.

Samantala, bukod sa mga mambabatas, nakatanggap din aniya ng porsyento ang mga line agency na nag-i-implement tulad ng National Agribusiness Corp. (Nabcor) at Zamboanga del Norte College Rubber Estates Corp. (ZREC) ng Department of Agriculture; Technology and Livelihood Resources Center (LTRC) ng Department of Science and Technology (DOST) at National Livelihood Development Corp. (NLDC) ng Land Bank of the Philippines.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

One thought on “Napoles, Ilang Mambabatas, Atbp, Naghatian sa P10-B Pork

Leave a Reply

Your email address will not be published.