Napoles, Enrile, Jinggoy at Bong, pinakakasuhan ng Ombudsman

LUMALABAS NA ginamit umano nina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla Jr. ang kanilang kapangyarihan para makinabang sa kani-lang multi-milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Hinggil dito, inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa nang patung-patong na kaso laban sa mga nasabing senador sa Sandiganbayan.

Inihayag ni Assistant Ombudsman Asyrman Rafanan na kabilang sa mga kasong inirekomenda kontra sa mga ito ay Plunder at Graft na pawang mga “non-bailable” offenses.

Matatandaan na noong nakaraang taon, una nang naisampa ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombudsman ang kasong Plunder o pandarambong laban sa tatlong mambabatas, limang dating kongresista at negosyanteng si Janet Lim-Napoles hinggil sa nabunyag na P10-bilyong PDAF scam.

Kabilang sa mga respondents sa naturang kaso ay sina Enrile (P172.8 milyon), Estrada (P183.79 milyon), Revilla (P224.5 milyon), dating congresswoman at ngayon ay Masbate Gov. Rizalina Seachon-Lanete (P108.4 milyon), dating APEC party-list Rep. Edgar Valdez (P56.09 milyon) at ang itinuturing na isa sa mastermind ay si Napoles.

Maliban sa Plunder, naghain din ng kasong Malversation of Public Funds ang DOJ laban sa mahigit 35 pang katao, kabilang ang ilang chief of staff ng mga mambabatas at opisyal ng implementing agencies sa ilalim ng executive department.

Kasama ring kinasuhan ng Plunder si Ruby Tuason na una nang naghain ng aplikasyon para maging state witness.

Lumilitaw sa mga dokumento na si Estrada ay naglaan ng pondo sa pekeng non-governmental organizations (NGO) ni Napoles na Social Development Program for Farmers at National Agri-Business Corporation.

Si JPE naman ay sa Agri-Economic Program for Farmers Foundation Inc., Agrikultura para sa Magbubukid, Agri and Economic Program for Farmers Foundation, at Countrywide Agri and Rural Economic Development Foundations Inc.

Habang si Revilla ay gumamit diumano ng NGO ni Napoles na Agrikultura para sa Magbubukid Foundation Inc., Social Development Program for Farmers Foundation Inc., Agri-Economic Program for Farmers Foundations, Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundations, National Agribusiness Corporation, Philippine Social Dev’t Foundation Inc., at Social Development Program for Farmers Foundation, Inc.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.