Napoles, ‘di mapipilit ‘kumanta’ sa Senado

NAGPAHIWATIG NA ang kampo ni Janet Lim-Napoles na hindi ito ‘kakanta’ o magsasalita kaugnay ng  kanyang kinalaman sa kontrobersiyal na P10-bilyong pork barrel fund scam, kahit pa umano maharap ito sa contempt ng Senado.

Matapos ipa-subpoena ng Senate blue ribbon committee para humarap sa gagawing pagdinig sa Nobyembre 7, sinabi ni Atty. Lorna Kapunan na igigiit umano ng kanyang kliyente ang karapatan nito “against self-incrimination”.

Matatandaan na si Napoles ay nahaharap na sa kasong Plunder hinggil sa multi-billion peso Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Malampaya Funds anomaly.

Sa kasalukuyan ay nakakulong ang kontrobersiyal na negosyante sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna dahil sa hiwalay pang kaso na serious illegal detention.

Sa kabilang dako, pinayagan na ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 ang hiling na subpoena ng Senado kay Napoles para dumalo sa itinakdang Senate inquiry sa Nobyembre 7.

Base sa desisyon na nilagdaan ni Judge Elmo Alameda, sinabi ng hukom na hindi nila hahadlangan ang mataas na kapulungan ng Kongreso na gawin ang kanilang trabaho sa pagdaraos ng pagsisiyasat upang makalikha ng mga batas na angkop sa mas maayos na takbo ng gobyerno.

Sinabi ni Makati RTC clerk of court Diosfa Toledana-Valencia na natanggap nila ang kopya ng subpoena bago mag-alas-3:00 at inilabas naman ang pasya ni Alameda pasado alas-4:00 ng hapon.

Sinasabing obligado ang Senado na dumaan sa Makati court upang humingi ng basbas dahil hawak nila ang kaso ng tinaguriang reyna ng PDAF scam na serious illegal detention.

May kinalaman ito sa umano’y pagkulong ni Napoles at ng kapatid nitong si Reynald “Jojo” Lim sa pork barrel fund scam whistle blower na si Benhur Luy.

Samantala, si Napoles ay nakatakdang paharapin sa Senado para sa isyu ng P10 bilyong pork barrel scam at hindi dahil sa pagkulong nito kay Luy.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.