Napoles, ayaw pumunta sa senado

NAGDESISYON SI Janet Lim-Napoles na tanging sa Sandiganbayan at Ombudsman lamang magsasalita tungkol sa umano’y transaksyon ukol sa multi-bil-yong pork barrel fund scam sa mga mambabatas.

“It is not a situation that she’s comfortable with. Siya mismo ang nagsabi, ayaw niyang magpunta sa Senado. Ayaw niyang magsalita sa Senado,” ayon sa abogado niyang si Lorna Kapunan.

Ginawa aniya ng kaniyang kliyente ang nasabing pahayag matapos ang kanilang pag-uusap tungkol sa posibleng legal strategy sa pagdinig sa darating na Nobyembre 7.

Makailang beses na aniyang inihayag ng kontrobesrsyal na negosyante na sa Sandiganbayan o Ombudsman lamang magsasalita kung saan nakasampa ang kasong Plunder.

Dahil sa public funds ang dawit sa usapin, “the Senate is not the proper arena because some of them have other secret agendas.”

“We must put this in context, hindi ito investigation on the Plunder case, that is now pending on the Ombudsman, this is a Senate inquiry in aid of legislation,” ani ng abogado.

Sinabi pa ni Kapunan na klarong walang kinalaman sa “aid of legislation” kung totoo bang may coal business si Napoles sa ibang bansa at iba pang posibleng itanong sa kanya.

Ano rin aniya ang intensyon ng paghaharap ni Napoles at mga whistleblower.

Inihayag din ni Kapunan na ayaw na ni Napoles na maulit ang hindi magandang kinalabasan sa isang eksklusibong panayam sa isang pahayagan.

Kung sa Ombudsman o sa Sandiganbayan tatanungin si Napoles kung mayroon itong transaksyon sa isang solon: “yes” ang sagot ng abogado.

Naniniwala din si Kapunan na walang interes ang publiko sa Senate inquiry. Public funds aniya ang dapat tutukan; ang abolisyon o hindi ng pork barrel fund o PDAF.

Kinukuwestyon pa ni Kapunan kung bakit “immune” sa kaso ang mga whistleblower. Tinawag pa ni Kapunan na “anomaly” ang sitwasyon.

Dapat aniya, respondents muna lahat at ang Sandiganbayan o Ombudsman ang tutukoy ng integridad ng kanilang testimonya.

Ayon sa abogado, wala pa silang natatanggap na kopya ng dalawang kasong isinampa na ng NBI laban sa kanyang kliyente. Kaya hindi sila makapagkokomento ukol dito.

Samantala, nililinaw nito na hindi nila pinababagal ang pagsisiyasat, mas gusto nilang mabilis na malaman kung ano ang nangyari sa pork barrel tulad ng sambayanan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.