Napatay na DENR Official, Inilibing Na

NAGING MADAMDAMIN ang araw ng libing ng pinatay na opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Maddela, Quirino.

Iisa ang naging sigaw ng mga kapamilya at kaibigan ni City Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Alfredo Almeda na dumalo sa libing nito kamakalawa, na ma-bigyan ng hustisya at mapatawan ng parusa ang sinumang may kagagawan ng krimen.

Sinabi ni Regional Executive Director Benjamin Tumaliuan ng DENR Region 2 na blangko pa rin ang mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pagpaslang kay Almeda.

Sa necrological service kay Almeda sa Saint Vincent Ferrer Parish bago ang kanyang libing, ipinaalam ni Tumaliuan na naglaan sila ng P350,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkamatay ng kanilang kasamahan sa ahensya.

Samantala, nauna na ring naglaan ang pamahalaang lokal ng Maddela sa pamamagitan ni Mayor Renato Ylanan ng P200,000 pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga salarin.

Matatandaang pinagbabaril si Almeda hanggang sa mamatay noong bisperas ng Bagong Taon sa liblib na lugar ng Barangay Villasur habang nasa checkpoint ito ng DENR at inaabangan ang pagpupuslit umano ng mga ilegal na kahoy sa naturang lugar.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.