Napagkamalang magnanakaw Isa patay; isa sugatan sa sekyu

PATAY ANG ISANG lalaki habang sugatan ang isang menor de edad matapos pagbabarilin ng guwardiya makaraang sumampa umano ang mga una sa barge na nakadaong na binabantayan ng huli kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.

Hindi na umabot pang buhay sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala ng shotgun sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Jerry Hermoso, binata, 30, ng Paltok St., Brgy. Daanghari, Navotas City habang ginagamot naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Orbito Canido Mahusay Jr., 17, ng Paltok St., ng nasabing lungsod.

Isang follow-up operation naman ang isinagawa ng Navotas police para sa pagkakakilanlan ng suspek, security guard ng Guevarra sa F.L Property Compound sa may Baradero Lachenal St., Bgy. Daanghari ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas 3:00 kahapon ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng F.L Property Compound kung saan nakadaong ang barge na binabantayan ng suspek.

Bago ang insidente, narinig umano ng suspek na may mga kumakalabog sa barge na kanyang binabantayan at nang makita ang mga biktima ay agad nitong pinagbabaril ng shotgun na kanyang service firearm saka mabilis na tumakas sa ‘di malamang direksyon.

Agad namang dinala sa nasabing pagamutan ang mga biktima subalit hindi na umabot nang buhay si Hermoso habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa JRMMC si Mahusay.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.