Nanghusga sa relihiyon Barker, tigok sa suntok ng driver

TODAS ANG ISANG barker matapos itong suntukin ng isang lalaki makaraan ang isang pagtatalo at husgahan ng una ang huli hinggil sa relihiyon nito kamakalawa ng umaga sa Malabon City .

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng pagkabagok ng ulo na tumama sa semento nang bumagsak mula sa malakas na suntok ang biktimang si Teofisto Manalastas, 39, binata, barker, ng # 127 Aves Compound, Sangandaan, Caloocan City .

Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Arnulfo Lepiten Jr., 34, may-asawa, driver, ng # 8 LT Pacencia St., Brgy. Tugatog, Malabon City na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ni PO2 Rommel Habig, may hawak ng kaso ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Malabon Police, dakong alas-11:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa Caltex gasoline station na matatagpuan sa kahabaan ng M.H. del Pilar cor. Gov. Pascual Ave. Tugatog, Malabon City.

Bago ang insidente, kasalukuyang nagtatawag ng pasahero ang biktima nang magkaroon ng pagtatalo sina Manalastas at Lepiten hanggang sa nauwi sa relihiyon at dito nagkahusgahan.

Ayon pa sa ulat nagbitaw ng salita ang biktima na, “Iglesia Ka Pa Naman,” na sinagot naman ng suspek ng “Huwag Mong Idamay ang Iglesia,” saka pinamalasan nito ng dalawang magkasunod na suntok ang biktima, saka tumakas.

Agad na bumagsak sa semento ang biktima at una itong dinala sa Pagamutan ng Lungsod ng Malabon subalit ng agad din itong inilipat sa TMC kung saan hindi rin nagawang iligtas ng mga doktor ang buhay nito.

Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Malabon police, upang alamin ang tunay na motibo sa pagpaslang sa biktima at agarang ikadarakip ng suspek para papanagutin sa nasabing krimen.       (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.