Nanalo sa Pusoy, utas sa tinalo

PATAY ANG ISANG lalaki nang patraydor itong saksakin ng umano’y tinalo nito sa larong Pusoy habang ang una ay pauwi sa kanilang bahay kagabi sa Valenzuela City.

Nalagutan ng hininga habang dinadala sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong tama ng saksak sa batok ang biktimang si Ronald Punzalan, 31, trabahador ng Boss Furmitech Furniture, ng # 581 P. Faustino St., Brgy. Punturin, Valenzuela City.

Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa tunay na pagkakakilanlan sa suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Velilia St., Brgy. Punturin ng nasabing lungsod habang ang biktima ay naglalakad pauwi sa kanilang bahay.

Pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lamang lumutang ang suspek na armado ng patalim at sinaksak ang biktima saka tumakas.

Agad namang dinala sa nasabing pagamutan ang biktima subalit hindi rin ito umabot pang buhay.

Bago ang insidente, isang dayo umano ang nakagalit ng biktima na tinalo nito sa larong Pusoy.

Kaugnay nito, iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang tatlo sa kasamahan ng biktima kung saan dalawa sa mga ito ay kanya rin nakalaro na sina Alvin Elope, Jerico Balviran at si Rey Molina, kung may kinalaman ang mga ito sa naturang krimen.        (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.