Nakaupo pa sa wheelchair… Bangkay ng isang lalaki, natagpuan sa bakanteng lote

PALAISIPAN NGAYON SA mga awtoridad ang bangkay ng isang lalaki na natagpuan sa isang bakanteng lote habang nakaupo sa wheelchair na umano’y ibinaba mula sa isang puting van kamakalawa ng hapon sa Malabon City.

Inilarawan lamang ng pulisya ang biktima na nasa edad 30-35, may taas 5’4, katamtaman ang pangangatawan, kulay kayumanggi, may tattoo sa dibdib na hugis puso at nakaukit ang pangalang “Joy”, nakasuot ng sando-short, violet jacket, nakasumbrero, at may bracelet na tatak na “Joy Love Jake”.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong ala-1 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa bakanteng lote sa pagitan ng 967 Disco Pub at Outlast Battery Shop sa No. 76, McArthur Hi-way, Barangay Potrero, Malabon City.

Sa salaysay ni Roderick Patawi, binata, trabahador ng Outlast Battery, nakita nito ang biktima na nakaupo sa isang wheelchair sa bakanteng lote sa nasabing lugar, dito kanyang nilapitan subalit hindi man lamang ito gumagalaw kung kaya’t agad nitong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.

At nang respondehan ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives-Northern Police District Office (SOCO-NPDO) ay nadiskubreng patay na ang biktima at wala man lamang nakitang mga sugat sa katawan nito.

Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang alamin ang pagkakakilanlan ng biktima at kung sino ang responsableng nagtapon dito para papanagutin sa nasabing insidente.

Ayon naman sa ilang nakakita sa pangyayari na ayaw magpabanggit ng pangalan, nakita nilang ibinaba ang biktima ng isang sasakyan na kulay puting van na walang plaka, saka mabilis na sumibad sa ‘di malamang direksyon.

Ang bangkay ng biktima ay nasa Nate Funeral Homes, Caloocan City at isasailalim na rin sa otopsiya.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.