NAIA Terminal 1, Inulan ng Semento

MULING NAGBAGSAKAN ang tipak-tipak ng mga semento mula sa ikatlong palapag ng Ninoy Aquino Internationa Airport (NAIA) Terminal 1 kamakailan.

Bumagsak ito sa ramp at gate 7 ng paliparan at mabuting walang tinamaan.

Sumulat na ang mga tauhan ng airport sa Department of Transportation and Communications (DOTC) dahil sa pangambang maulit ang naturang pangyayari.

Sa laki umano ng mga tipak na nahuhulog ay maaaring ikamatay ng mga taong mababagsakan nito.

Mapanganib din ito sa makina ng mga eroplano na pumaparada sa nasabing lugar.

Ayon sa ilang airline groups, hindi ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng insidente ng pagbagsak ng mga semento sa NAIA 1.

Maaalala na noon lamang nakalipas na taon, may nahulog ding sementong palitada ng rampa sa bahagi ng pinaghihintayan ng mga sasalubong sa mga pasahero.

Hiling ng mga airline operator, madaliin na ang pagsasaayos sa paliparan para sa kaligtasan, hindi lang ng mga pasahero kundi maging ng kanilang mga empleyado.

Samantala, tiniyak naman ni NAIA General Manager Jose Angel Honrado na inaayos na nila ang problema.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.