Nahabol ng Biktimang Bebot: Holdaper, Kalaboso

HINDI UMUBRA ang panunutok ng patalim ng isang holdaper sa tapang ng isang kahera na hinoldap ng una matapos itong habulin ng kanyang biniktima sa tulong ng mga tambay kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Kinilala ng Caloocan City Police Sub-Station 2 partikular na nina PO2 Joel Cortez at PO1 Jason Santillan ang suspek na si Victor Hinto, 34, tindero, ng Kawal St., ng nabanggit na lungsod.

Samantala ang biktima ng holdap ay si Ma. Angelica Sapno, 23 anyos, kahera at kasalukuyang residente ng Martinez Extension, Brgy. 28, Caloocan City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-9:00 ng umaga nang mganap ang holdap sa kahabaan ng Rizal Avenue Extension, West Side sa pagitan ng 4th at 5th Avenue ng Barangay 51,

Nabatid na kasalukuyang sakay ang biktima ng isang pampasaherong dyip at nagbabasa ng mga text messages sa kanyang Samsung Galaxy cellphone na nagkakahalaga ng P4,500.

Sa puntong ito ay tinabihan siya ng kasasakay na suspek at agad na tinutukan ng patalim ang biktimang babae at saka nagdeklara ng holdap.

Dito ay sapilitang kinuha ng suspek ang nasabing cellphone at mabilis na tumalon papalabas ng jeep kung kaya’t walang atubiling hinabol siya ng biktima at nagsisigaw ng tulong.

Nakuha ng biktima ang pansin ng mga nakatambay na grupo ng kalalakihan sa kanyang mala-sirenang sigaw na agad ding humabol sa papatakas na suspek. Kaagad namang nakorner ng babae at mga tambay si Hinto at agad na tumawag ng mga pulis. Pagdating ng awtoridad ay agad na binitbit ang suspek sa kanilang himpilan kung saan nakita sa suspek ang cellphone gayundin ang patalim na ginamit nitong panutok sa biktima.

Nahaharap sa kasong Robbery-Hold-Up at paglabag sa Omnibus Election Code ang suspek na kasalukuyang nasa pangangalaga ng Jail Management System ng Caloocan City Police Station.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.