Nagyabang sa Trabaho, Tinarakan ng Katomab

ISANG LALAKI ANG nasa kritikal na kalagayan matapos itong patraydor na saksakin ng kanyang kainuman nang magkapikunan ang mga ito dahil sa payabangan sa trabaho sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na kasalukuyang ginagamot sa Valenzuela City General Hospital (VCGH) sanhi ng tinamong saksak sa katawan ay nakilalang si Ramonito Basilio, 38-anyos, residente ng #8 Victoria Village, Brgy. East Canumay ng nasabing lungsod.

Nakapiit naman ngayon sa detention cell ng Valenzuela City Police ang suspek na si Roel Bacolod, 21, naninirahan din sa naturang lugar na agad na naaresto ng mga rumespondeng awtoridad.

Sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong 10:00 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima.

Lumalabas na unang nakitang nag-iinuman ang biktima at ang suspek kasama ng ilan pang kaibigan ng mga ito hanggang sa mauwi sa payabangan sa trabaho ang naging paksa ng usapan ng mga ito.

Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa na naawat naman ng kainuman ng mga ito hanggang sa magpaalam ang suspek na magpupunta lang ng palikuran ngunit lingid sa kaalaman ng biktima ay kumuha ng patalim si Bacolod sa kusina.

Pagbalik ng suspek ay agad nitong tinarakan sa likod ang nabiglang biktima na agad na isinugod sa nabanggit na pagamutan kung saan patuloy itong ginagamot habang naaresto naman ang suspek ng mga rumespondeng awtoridad. (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.