Nagturuan sa Bibili ng Beer: Vendor; Sinaksak ng Bote ng Kainuman

MALUBHANG NASUGATAN ang isang vendor nang saksakin ng kanyang kainuman makaraang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa habang nagtatagayan hinggil umano sa kung sino sa kanilang dalawa ang bibili ng beer sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Ang biktima na nakaratay ngayon sa Manila Central University Hospital sanhi ng isang tama ng saksak ng binasag na bote ng beer sa likod ay si Jeffrey Gemosura, 28, vendor, ng # 102 Gen. Mascardo St., Brgy. 142, Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng mga elemento ng Caloocan City Police Station ang suspek na isang alyas “Carlo Capillan”, kabarangay ng biktima.

Base sa ulat ng nasabing himpilan ng pulisya, bandang alas-3:20 ng umaga kahapon nang maganap ang nassabing insidente sa kahabaan ng Gen. Mascardo, Barangay 144, Bagong Barrio.

Nabatid na bago umano maganap ang pananaksak, ang biktima at ang suspek ay nagtatagayan umano ng beer nang biglang magkaroon ang dalawa ng isang mainitang pagtatalo hinggil sa kung sino sa kanilang dalawa ang bibili ng kani-lang iniinom.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo ng dalawa ay biglang dumampot ng boteng basag ang suspek at isinaksak sa likod ang biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas ang suspek.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.