Nagtangkang manghalay, bugbog-sarado sa taumbayan

HALOS MANGHIRAM NG mukha sa aso ang isang trike driver matapos itong pagtulungang bugbugin ng taumbayan na pinagsumbungan ng isang dalagang factory worker na tinangka nitong halayin sa Valenzuela City kahapon ng madaling-araw.

Ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police habang nahaharap sa kasong attempted rape at physical injuries ay nakilalang si Valentino Domingo, 38, ng # 125 Vella Francisco St., Polo ng nasabing lungsod.

Agad namang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktimang itinago sa pangalang Jenny, 22-taong gulang ng Brgy. Malinta, Valenzuela City upang pormal na magharap ng kaukulang kaso laban sa suspek.

Sa nakalap na impormasyon sa Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong 12:30 ng madaling-araw sa isang eskinita sa Brgy. Arkong Bato.

Ayon sa ulat ng pulisya, sakay ang biktima ng isang pampasaherong jeep nang makaidlip ito sa biyahe at nang magising ay lampas na ito sa kanyang bababaang lugar.

Agad na bumaba ang biktima at sumakay ng isang pedicab na minamaneho ng suspek ngunit may dalawang oras na ang nakalilipas, hindi pa rin ito nakararating sa kanyang patutunguhan.

Dahil dito, agad na naghinala ang biktima hanggang sa ihinto ng suspek ang kanyang pedicab at inumpisahang hipuan sa maseselang parte ng katawan ang dalaga.

Napilitan namang manlaban ang biktima hanggang sa suntukin ito ng dalawang beses sa sikmura ng suspek ngunit hindi pa rin nasiraan ng loob ang dalaga na nagawang makahingi ng tulong.

Makalipas ang ilang sandali ay nagdatingan naman ang mga grupong nakarinig sa paghingi ng tulong ng biktima at nang matuklasan ng mga ito ang gagawing panghahalay sa dalaga ay pinagtulungang bugbugin ng mga ito ang pedicab driver.

Nahinto lamang ang pambubugbog sa suspek nang magdatingan ang mga rumespondeng barangay tanod na siyang nagdala sa pedicab driver sa himpilan ng pulisya.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.