Nagnakaw ng Gamit sa Hotel: Kano, Pinaghahanap

NAGLUNSAD NA ng manhunt operation ang Pasay City Police laban sa isang Amerikanong sangkot sa serye ng pagtangay ng gamit sa inuupahang hotel sa lungsod.

Nakilala ang banyaga sa pamamagitan ng kanyang driver’s license na si Marco Gonzaga Saca, residente ng Malibu Hills, California, USA na tumangay muli ng flat television sa inokupang silid sa Victoria Court sa may Cuneta Avenue saka tumakas nang hindi nagbabayad ng hotel bills na umabot sa halagang P10,210.

Base sa pagsisiyasat ni SPO2 Joel Landicho ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City Police na nag-check-in mag-isa ang salarin sakay ng kotseng may plakang UPZ-452 noong Lunes ng hapon at umorder pa ng makakain.

Dakong alas-2:30 ng hapon nang lumabas ng hotel at sumakay sa kotse ang dayuhan nang hindi nagbabayad ng bill kaya iniharang ng guest attendant na si Jose Mari Rancapan at iba pang roomboy ang isang improvised barrier upang agapan ang pagtakas nito pero sinagasaan ang harang na naging dahilan upang masugatan si Rancapan.

Nadiskubre rin na noong Hunyo 8, tumangay din ng flat tv sa inokupang silid sa Victoria Hotel sa M. Adriatico sa Malate, Maynila si Saca gayundin sa Victoria Court sa Buendia, Pasay noong Hunyo 9 kung saan may kasama pa itong dalawang babae nang mag-check-in.

Ayon pa kay Landicho, makikipag-ugnayan sila sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) upang alamin kung sino ang may-ari ng sasakyang gamit ng salarin.

Samantala, sasampahan naman ng kasong Estafa, Theft at Physical Injury si Saca sa Pasay City Prosecutor’s Office.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.