Nagkrus ang landas Mister, grinipuhan ng kaalitan

NASA KRITIKAL NA kalagayan ang isang mister nang pag-uundayan ng saksak ang kanyang mortal na kaaway makaraang magkasalubong ang kanilang landas sa palengke sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na patuloy na inoobserbahan sa Pagamutang Bayan ng Malabon sanhi ng mga tama ng saksak ng icepick ay si Reynaldo Ermac, 37, residente ng C. Perez St., Brgy. Tonsuya ng nasabing lungsod.

Samantala, nasakote naman ng mga rumespondeng pulis at kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Malabon City Police Station at nahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek na si Rolando Marquez, 35, kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ng Station Investigation Division ng Malabon-PNP, nabatid na dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa parking space ng Malabon Market na matatagpuan sa Brgy. Tañong ng nabanggit din na lungsod.

Ayon sa pulisya, hindi inaasahan na magkasalubong ng landas ang dalawa hanggang sa bigla na lamang u-manong nilapitan ng suspek ang biktima para kumprontahain hinggil sa kanilang matagal nang alitan.

Habang nasa kainitang ng pagtatalo, mabilis na binunot ng suspek ang kanyang icepick at dalawang magkasunod na saksak ang ibinigay nito sa biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas, habang ang una naman ay agarang dinala sa nasabing pagamutan.

Sa follow-up operation ng mga pulis, nasakote ang suspek at nabatid na matagal nang may away sa pagitan ng dalawa na siyang dahilan upang pagtangkaan nito ang buhay ng biktima.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.