Naghahanap ng Hikaw; Natagpuan, Bangkay

IMBES NA hikaw, isang bangkay ng lalaki ang nakita ng dalawang kasambahay habang hinahanap ang pares na hikaw na kanilang naitapon sa tambakan ng basura sa Malabon City kamakalawa ng umaga.

Base sa identification card na nakita sa wallet ng walang buhay na lalaki, ang biktima ay nakilalang si Arnold Co, 31 anyos, may kinakasama, walang hanap-buhay at huling nanirahan sa Cristina Street, Barangay Panghulo ng nasabing lungsod.

Samantala, kinilala rin ng Malabon City Police Station ang dalawang kasambahay na nakakita sa bangkay na sina Elsa Romblon at Ronalyn Calio na parehong residente ng Teacher’s Village, Barangay Catmon, Malabon City.

Sa inisyal na imbes-tigasyon ng nasabing himpilan ng pulisya, ganap na alas-10:30 ng umaga nang magtapon ng basura sina Romblon at Calio sa tambak na basura na hindi kalayuan sa bahay ng kanilang mga amo.

Habang kinakalkal ng dalawang katulong ang tambak ng basura ay laking gulat ng mga ito na mayroong paa ng tao silang nakita. Sa takot ay agad silang tumakbo sa kanilang barangay at ipinagbigay-alam ang nakita dahilan upang respondehan ito ng awtoridad.

“Nakita po namin ‘yung paa, alam na po namin na paa talaga ‘yun ng tao, napasigaw na kami at tumakbo sa barangay, pero hindi na po namin tinignan ang mukha niya baka mapanaginipan pa namin,” magkasaay na tinuran ng dalawang kasambahay.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng Northern Police District- Scene Of the Crime Operative (NPD-SOCO), napag-alamang nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala ng .45 caliber sa mukha at katawan.

Agad na tinunton ng awtoridad ang tinitirahan ni Co kung saan ay ipinaalam ng mga ito sa ama ng biktima na nakilalang si Oscar Co ang sinapit ng anak nito. Nalaman mula sa amang Co na may ilang insidente ng pagnanakaw na nasangkot ang kanyang anak.

Samantala ay patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng nasabing himpilan upang agad na malaman kung sino ang nasa likod ng nasabing krimen.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.