Nagbebenta ng Tinging Gasolina, Ginagatasan ng Pulis

GINAGAWA UMANONG gatasan ng ilang elemento ng Northern Police District (NPD) ang mga nagbebenta ng tingi-tinging gasolina na nakalagay sa botelya sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) area.

Base sa sumbong sa Pinoy Parazzi ng mga nagtitinda ng gasolina na tumangging magpakilala, lagi umano silang hinuhuli ng mga miyembro ng NPD sa pangunguna umano nina PO2 Jojo Cruz at isang Chief Insp. Lleva, kapwa mga tauhan ni NPD director Chief Supt. Antonio Decano.

Anila, kapag umano nahuli sila ng pangkat ni Chief Insp. Lleva at ni PO2 Cruz, hinihingan umano sila ng halagang P5,000 hanggang P30,000 para sila mapalaya at makalipas ang ilang buwan ay muli na naman silang hinuhuli at hinihingan ng pera, gayung kada linggo naman ay may parating ang mga ito sa kanila.

Sinabi pa ng mga nagti-tinda, lagi umanong sinasabi ng mga nasabing pulis na kaya sila hinuhuli ay dahil bawal sa batas ang pagbebenta nila ng tingi-tinging nasabing produkto na nakalagay sa mga botelya.

Nabatid naman mula sa ilang opisyal ng Department of Energy (DOE) at Department of Enviromental and Natural Resources (DENR), labag din umano sa batas ang ginagawang panghuhuli ng mga pulis kung sila-sila lamang.

“Dapat kapag manghuhuli ang mga pulis ng mga nagbebenta ng tingi-tinging gasolina, kailangang may kasama silang mga tauhan ng DOE at DENR para maging legal. Pero kung wala, iligal ang kanilang ginagawang panghuhuli,” wika pa ng mga opisyal ng DOE at DENR.

Napag-alaman din mula sa ilang insider ng NPD, pera-pera lamang umano ang ginagawang panghuhuli ng pangkat nina Lleva at Cruz sa mga maliliit na nagtitingi ng gasolina na karamihan sa mga ito ay umuutang lamang ng 5/6 bilang puhuhan.

Dagdag pa ng mga impormante, kung talagang bawal ang pagbebenta ng tingi-tinging nasabing produkto ay tuluyan nang kasuhan, huwag nang perahin dahil mahigpit na ipinagbabawal ang gawaing ito.

Dahil dito, tinatawagan ng pansin ng mga kinauukulan si NPD Dir. Chief Supt. Decano na kumilos at kastiguhin ang mga pinaggagawa ng mga tauhan na magkamal lang ng pera ay kahit iligal ang pamamaraan ng panghuhuli ay ayos lang umano sa imahe ng pamunuan ng NPD.     (ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.