‘Nag-aabugado’ sa mga kuwestyunableng kooperatiba
Kongresista binatikos ng mga magsasaka

DISMAYADO” ANG mga grupo ng magsasaka na dumalo sa pagdinig kamakailan sa Kongreso hinggil sa problema ng rice smuggling at iba pang kaugnay na isyu sa sektor ng agrikultura matapos umanong “isnabin” sila ni ‘Butil Farmers Party’ Rep. Agapito Guanlao.

“Natapos ang hearing na hindi man lang kami natanong kung ano ang problema namin,” himutok ng mga ito. “Bagkus, wala na siyang (Guanlao) ginawa kundi ‘banatan’ ang mga opisyales ng DA at NFA na mga wala naman doon.”

“Inubos” lang umano ni Guanlao, chairman ng House Committee on Food Security ang malaking oras ng pagdinig upang “banatan” si Department of Agriculture (DA) Sec. Proceso Alcala at National Food Authority (NFA) administrator, Orlan Calayag.

Pareho namang hindi nakadalo ang dalawang opisyal kung kaya hindi nabigyan ng pagkakataong sagutin ang mga upak ng partylist solon sa kanila.

Ayon sa mga dumalo, pulos kastigo ang inabot ni Alcala at Calayag kay Guanlao dahil sa ginawang pagpapatigil ng mga ito sa pag-isyu ng ‘import permit’ (IP) para sa bigas at mahigipit na pagbusisi sa rekord ng mga aplikante.

Lubha umanong naapektuhan sa nangyayaring reporma ngayon sa DA/NFA ang ilang mga kuwestyunableng kooperatiba at grupo ng mga magsasaka na hinihinala namang “prente” ng mga smugglers ng bigas at umano’y pawang “malalapit” sa mambabatas.

Iniutos ni Alcala kay Calayag ang mahigpit na pagbusisi sa rekord ng mga aplikante upang tiyakin na ang mabibigyan ng IP ay mga lehitimong grupo.

Pansamantala na ring ipinatigil ng kalihim ang pag-isyu ng IP matapos umanong mabisto na sa tulong ng ilang tiwaling opisyal, iisang grupo lang na ang mga miyembro ay hininalang sangkot sa smuggling ng bigas ang nabibigyan ng mga IP.

Pansin pa ng mga nagsidalo, mistulang ‘abugado’ ng mga kuwestyunableng kooperatiba si Guanlao dahil sa ipinakita nitong asal.

Sa bukod na panayam, kinumpirma naman ni Rosendo So, pangulo ng SINAG (Samahang Industriya ng Agrikultura) ang sorpresang naging direksyon ng pagdinig.

Sapantaha ni So, “posible” na “maraming bagay” ang “hindi alam” ni Guanlao kung kaya pulos sablay ang mga nasabi sa pagdinig.

“Sana inalam muna niya (Guanlao) ang mga detalye (ng mga isyu) bago siya nagbigay ng mga komento,” banggit pa ni So.

Balak din umano niyang kausapin si Guanlao at alamin ang dahilan ng mga batikos nito kasabay ng pag-aalok ng mga suhestiyon para sa kaalaman ng mambabatas partikular na sa isyu ng rice smuggling at panuntunan sa pagbibigay ng IP.

Bagaman pulos “baterya” ang inabot sa pagdinig sa Kongreso, nagpahayag pa rin ng kagalakan si Alcala dahil sa patuloy na pagtitiwala ni Pang. Benigno Aquino III sa kanyang liderato.

Ayon kay presidential communication secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma noong Martes, malaki pa rin ang tiwala ni Pang. Aquino kay Alcala sa kabila ng panibagong ‘plunder case’ na isinampa laban sa kalihim noong Biyernes ni Sanlakas president, Argee Guevarra.

Tiniyak naman ni Alcala na ang eskandalo ng “recycling” ng mga import permit na isa sa mga binabanggit ni Guanlao ay “natuldukan” na sa ngayon.

“It will not happen again…we have put in place enough ‘safeguards’ to make sure this would be a thing of the past,” pahayag ng kalihim sa media sa ginawang pagdinig ng Senado noong Enero 22.

Noong Enero 8, nagpadala ng sulat si Calayag kay BOC Comm. John Philip Sevilla, kung saan nakalista ang pangalan ng 15 ‘rice trader/importer’ na nabigyan ng kaukulang IP noong nakaraang taon.

Magagamit ng BOC ang liham upang malaman ang mga lehitimong importasyon ng bigas.

Batay sa dokumento, nag-isyu ng 132 IP ang NFA na sumasakop sa 6,217.50MT ng bigas mula sa Thailand at India.

May bukod namang importasyon na 500,000MT ng bigas ang NFA mula sa Vietnam para sa ‘buffer stock’ ng bansa at tiyakin ang stabilidad ng presyo nito sa mga pamilihan.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.