Nabuking na may iba pang babae: Cristine Reyes, Binasted si Rayver Cruz!

INILAGLAG NA NI Cristine Reyes si Rayver Cruz tungkol sa nasimulan nitong panliligaw sa kanya, kaya buo ang credibility ng sister ni Ara Mina para sabihin niya na magkaibigan lang sila ng matangkad at guwapong young actor dahil iyon naman pala ang totoo, at dapat na mangyari, dahil naudlot na ang anumang pagkakalapit ng kanilang loob. Ang sexy actress na rin mismo ang gumawa ng mahirap na desisyon, para ilayo niya ang kanyang puso sa dating boyfriend ni Sarah Geronimo.

Muntik na talagang maging isang relasyon ang namagitan kina Cristine at Rayver. Masaya ang kanilang barkadahan.  Nasa puso at isipan na ng dalaga, na kung mayroong isang lalaki na sobrang malapit sa kanyang puso, si Rayver na talaga iyon. Kaya lang, sobrang masakit para sa kapatid ni Ara na matuklasan niya na mayroon pa palang ibang babae sa pagmamahal ng binata. Bigla rin ang pagkagising ni Cristine, na hindi siya magiging maligaya sa piling ni Rayver kung mayroon palang ibang babae na masasaktan.

Kung ganyang hirap pala si Rayver na maging maayos ang kanyang lovelife, dapat sigurong movie career na lang muna niya ang kanyang ayusin. Sa totoo lang, puro lovelife niya ang napag-uusapan ngayon, pero ang kanyang kasikatan ay hindi umaabante. Hindi na siya bumabata. Magaling siyang sumayaw, dahil sa ngayon ay maganda pa ang kanyang katawan. Pero hanggang kailan siya magsa-sayaw? Sayang, nawawalan ng direksiyon ang kanyang kasikatan.  Sinasabi noon na siya ang susunod na Richard Gomez ng showbiz.

Nasaan?

Paano?

KUNG ANG PAGIGING showbiz personality ni Kris Aquino ang pag-uusapan, okey lang naman ang kanyang kasikatan para siya pag-usapan, dahil marami talaga siyang katangian na hahangaan mo. Pero sa kapanahunang ito, na Pangulo ng Pilipinas ang kanyang kapatid na si President Noynoy Aquino, kailangan talagang maghunus-dili at magkaroon ng delicadeza ang mommy ni Baby James para talagang medyo manahimik muna siya, para hindi rin naman mapintasan ang kanyang pamilya  lalo na ang mga kapatid niyang puro babae, na disente ang pagdadala ng personalidad nila.

Hindi na talaga magandang impluwensiya si Kris para sa mga mamamayang Pinoy, lalo na sa mga kabataang kababaihan. Kung dati-rati ay kahanga-hanga si Tetay sa pagdadala niya ng kanyang personality, mawiwindang ka naman sa takbo ng kanyang lovelife, na sa tuwina ay hindi naisasapribado ang mga pangyayari, kundi lagi na lang maeskandalo at pinagpipiyestahan talaga sa mga balita sa telebisyon, radyo at mga pahayagan. Numero uno kasi siyang madaldal.

Hayan, habang nasa panunungkulan na ang pangulo niyang kapatid ay umagaw ng eksena ang pagiging kontrobersiyal niya ngayon sa pakikipaghiwalay sa kanyang asawang si James Yap. Ipinupukol ngayon kay P-Noy ang intrigang bago niya ayusin ang Pilipinas, patinuin muna niya ang kanyang bunsong kapatid. Iyan talaga ang dapat na mangyari sa paningin ng ating mga kababayan. Binabalikan ngayon ang nakaraan ni Kris, na mahirap siyang maging karelasyon. Kasi, pagkatapos ng hiwalayan ay parang kung hindi man nawasak ang pagkatao ng kanyang mga nakarelasyon, may nababawas sa reputasyon ng lalaki.

Tingnan n’yo naman, nang makarelasyon at makahiwalayan niya si Phillip Salvador na daddy ni Joshua, naintriga rin ang buhay. Napakalaking kahihiyan sa parte ni dating Mayor Joey Marquez ang pagbubulgar, na nahawahan niya ng “tulo” si Kris sa panahon ng kanilang relasyon. Sa ngayon ay si James naman ang nadidikdik ang pagkatao dahil sa mga pinakakawalang salita ngayon ni Tetay. Bahala na si Mayor Jun-Jun Binay kung game na ba siya, at kung gusto niyang maging kahilera din nina Phillip, Joey at James.

PINAPALAKPAKAN ngayon ang mga fans nina Kim Chiu at Gerald Anderson, dahil buo pa rin naman ang kanilang pagsuporta sa magka-loveteam. Nagsalita na sila, na hindi naman totoo na inilalaglag na nila si Gerald dahil natuklasan diumano nila na hindi daw honest ang binata sa pagmamahal at pangangalaga nito sa kanyang kapareha. Aminado sila na hindi nila nagugustuhan ang pagkaka-link ng binata kay Bea Alonzo. Kahanga-hanga ang Kimerald sa pagmamahal nila sa nasabing tambalan, kaya numero uno sa showbiz ang Kim-Gerald loveteam, sa totoo lang.

Ang paninindigan ng mga tagahanga nina Kim at Gerald: “Kung kami ang tatanungin, gusto naming sina Kim at Gerald pa rin ang magkapareha sa teleserye at pelikula. Ang amin pong pinababagsak ngayon at ipinoprotesta ay si Bea Alonzo.  Hindi po nawawala ang support namin sa tambalang Kim at Gerald.” Sa mga pahayag nilang ito, lalong naroon ang pagpapatunay kung bakit marami ang nanghihinayang kung mangyayari na paghiwalayin muna ang magkapareha dahil sa balitang totoo na mayroon silang pinagdaraanan ngayong problema.

Kung may gusot man sa pagitan ngayon nina Kim at Gerald, nasa desisyon na rin iyon ng ABS-CBN at Star Cinema kung paghihiwalayin muna sila. Pero kumikita ang kanilang tambalan, kaya mahirap gawing desisyon na paghiwalayin sila.  Napakasuwerte nila na nagkaroon sila ng hukbo ng mga tagahanga na kayang ipaglaban ang kasikatan ng kanilang loveteam.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articlePokwang at Kris Aquino, ayaw tigilan ni Cristy Fermin!
Next articlePinoy Parazzi Vol. III Issue #147: August 6-8, 2010

No posts to display