Na-trap sa makipot na tunnel
Suspek sa Pawnshop Robbery, Kalaboso

DAKIP ANG isang suspek sa panloloob sa pawnshop sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan matapos ma-trap sa ginawang makipot na manhole.

Ayon kay S/Insp. Geronimo Baloran, hepe ng Camalaniugan PNP, gumawa ng makipot na tunnel sa isang drainage canal malapit sa pinasok na Tambunting Pawnshop sa Brgy. Minanga, Camalaniugan ang mga salarin.

Sinabi ni Baloran na tanging ang salarin na si Roger Aguinaldo, 38, ng Luna, Apayao ang naaresto ng mga pulisya dahil nakatakas ang mga kasamahan nito nang matunugan ang mga rumespondeng pulis.

Nasukol si Aguinaldo matapos na hindi kaagad makalabas sa makipot na butas na dinaanan nila nang pasukin ang pawnshop.

Ayon kay Baloran, agad nagsumbong sa mga pulis na nagsasagawa ng gun ban checkpoint malapit sa niloobang establisyimento ang kahera nito na si Josephine Santiago matapos madiskubre ang butas sa kanilang reception area kamakalawa ng umaga.

Kaagad namang tumugon ang mga awtoridad kung kaya’t nasukol ang suspek.

Samantala, narekober mula kay Santiago ang mga baryang nagkakahalaga ng P102 na tinangay sa pawnshop matapos na hindi nila nabuksan ang vault kung saan nakatago ang mga malalaking halaga ng pera at mga alahas.

Tatlong araw umanong may naririnig na nagpupukpok bago ang panloloob pero binalewala lamang ito ng kahera, dagdag pa ni Baloran.

Sa ngayon, patuloy na isinasailalim ng pulisya sa tactical interrogation ang nahuling suspek para sa ikadarakip ng iba pang mga kasabwat nito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.