Muslim, Todas sa Droga

IPINAGBABAWAL NA droga ang sinasabing ugat ng pagkamatay ng isang Muslim makaraang pagbabarilin ng riding in tandem habang ang biktima ay kasalukuyang nakikipag-text sa Caloocan City kahapon ng gabi.

Si Jevee Bayagan, nasa hustong edad at naninirahan sa # 843 Globo de Oro ay namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente sanhi ng apat na tama ng bala ng kalibre .435 baril sa katawan at ulo.

Kasalukuyan namang nakapiit sa detention cell ng Caloocan PNP ang isa dalawang suspek na nakilalang si Jaycer Tenorio, 32, may-asawa, negosyante at naninirahan sa # 3510 J. Lucban St., Barrio Obrero, Tondo, Manila, habang pinaghahanap ang kasama ng suspek.

Base sa pinagsamang ulat nina PO2 Alejandro Billedo at PO2 Edgar Manapat, mga may hawak ng kaso, dakong alas-7:45 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Rizal Avenue Extention malapit sa kanto ng 2nd Avenue.

Nabatid na bago umano maganap ang pamamaril, may ka-text ang biktima nang biglang dumating ang dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo, kung saan ang backride ay mabilis na bumaba at pagkatapos ay apat na beses na pinaputukan ang biktima na nagresulta sa maagang kamatayan nito.

Matapos na maisakatuparan ang pagpatay, mabilis na nagsitakas ang mga suspek subalit lingid sa kaalaman ng mga salarin ay nakita sila ng isang tricycle drayber na kasalukuyang namamasada.

Habang tumatakas ang mga suspek, sinundan sila ng nasabing tricycle drayber at napag-alaman kung saan huminto ang mga suspek na kaagad namang nagsadya sa nasabing himpilan ng pulisya at ini-report ang kanyang nasaksihan, at kung saan matatagpuan ang motorsiklo na ginamit sa krimen.

Sa narekober na cellphone ng biktima, nakatala sa pamamagitan ng text messages ang mga katagang “asan ang 7 gramo ng shabu na ipinabebenta ko”.

Dahil dito, mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang Caloocan PNP na nagresulta sa maagang pagkakaaresto sa suspek na si Tenorio.  (ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.