Muslim at NDF, nagsalpukan sa Mendiola

SUMIKLAB ANG kaguluhan at nabalot ng tensyon ang Chino Roces Bridge sa Mendiola matapos magbatuhan at maghabulan ang grupo ng mga Muslim at mga tagasuporta ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), ilang oras bago ang pirmahan ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Pasado alas-10:00 kahapon ng umaga nang isang tropa ng mga kasapi ng Kabataang Makabayan na pawang nakatakip ang mukha ang sumulpot mula sa Bustillos na nagsisisigaw para sa kanilang lightning rally sa ika-45 anibersaryo ng NPA.

Nagkataong nagbabasa ng Koran bilang bahagi ng kani-lang programa para sa pirmahan ng CAB ang grupo ng mga Muslim nang dumating ang nasa 100 aktibista.

Nabulabog ang mga Muslim at hinarap ang NDF supporters.

Ang bilis ng insidente kung saan umabot pa hanggang Recto Avenue at Morayta ang batuhan, habulan at pukpukan ng dalawang grupo.

Hindi naman nagawang mapigilan ng dalawang pulis na unang rumesponde sa lugar ang unang bugso ng paghaharap ng dalawang grupo.

Bahagya namang humupa ang kaguluhan nang dumating ang mas marami pang awtoridad.

Sa tulong ng ilang Imam na namagitan sa tensyon, napayapa ang dalawang kampo at natigil ang batuhan at pukpukan.

Umatras ang grupo ng mga aktibista habang bumalik sa kanilang programa sa Mendiola ang mga Muslim.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.