Muntinlupa Mayor San Pedro, kinasuhan sa Ombudsman

NAGSAMPA NG KASONG CRIMINAL at administratibo ang namumuno sa mga manggagawa sa pagawaan ng plastic laban kay Muntinlupa Mayor Aldrin San Pedro sa Ombudsman kamakailan.

Si Atty. Raymund Palad, ang abogado ng mga manggagawa, ay kasama si Allan Malapitan, lider ng mga manggagawa sa paghahain ng kaukulang kaso laban kay San Pedro hinggil umano sa marahas na implementasyon para sa total banning ng plastic bags sa Muntinlupa.

“Mahigit-kumulang na sa 5,000 manggagawa ang maaapektuhan dahil sa pagpapatigil sa paggamit ng plastic bags,” ani Malapitan.

Ang kabuuan ng mga manggagawa sa plastikan sa buong bansa ay umaabot sa higit-kumulang 175,000.

Sinabi ni Malapitan na isa sa mga dahilan na nagbunsod sa siyudad na ipatigil ang paggamit ng plastic ay ang pagbaha dahil sa pagbabara ng plastic sa mga daluyan ng tubig. Dahil dito, mariing tinugon ni Malapitan na disiplina ang kailangang pairalin sa siyudad sa pagtatapon at pagsasaayos ng mga basura. “Walang paa ang mga plastic upang ito ay makarating sa mga kanal at estero. Trabaho ng lokal na pamahalaan na ayusin ang paghahakot ng basura.”

Sa punto ni Palad, ang Philippine Plastic Industry Association ay naglabas kamakailan ng oxo-biodegradable plastic bags kung saan ang mga ito ay mabilis na natutunaw sa loob lamang ng dalawa hanggang apat na buwan.

Ibinunyag din ng abogado na may nakalap silang impormasyon na may isang malapit umano sa alkalde ang umano’y agad nagsusuplay ng paper bags kapalit ng plastic. “Malamang na karagdagang gastos ‘yun sa mga mamimili,” ani Palad.

Ang pagpapatigil sa paggamit ng plastic bag sa Muntinlupa ay nagsimula pa noong Enero 18.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.