Multi-Milyong Tong Collection sa Caloocan

UMAABOT SA multi-milyong pisong halaga ng salapi kada buwan ang tong collection mula sa mga jeepney driver, bus terminal, kasama ang mga taxi, tricycle at pedicab drivers ang nalilikom ng mga buwayang traffic enforcer dahilan para lalong lumala at hindi masugpo ang problema sa trapiko sa Metro Manila partikular na Caoloocan City.

Ayon sa dating pangulo ng PISTON at isang retired traffic officer na ayaw ipabanggit ang kanilang pangalan, sa Caloocan City ay milyun-milyong piso na umano ang nakukuha ng mga kolektor ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM ) ng Caloocan City Hall buwan-buwan mula sa mga nasabing driver lalo na sa mga illegal terminal.

Matatagpuan ang mga illegal terminal sa kahabaan ng Sangandaan Junction, Samson Road, EDSA, Benin St., Bustamante St., LRT sa Rizal Ave. Ext., 11th Ave., 10th Ave., 5th Ave., A. Mabini St. sa Maypajo, C-3 Road, sa harap ng city hall, Torres Bugallon St., Dagohoy St., Pio Valenzuela St., Lapu-Lapu St, Victory Compound,  MCU-Morning Breeze,  MacArthur Hi-way, Bagong Barrio, B. Serrano St., at Monumento Circle na siyang pinakapusod ng hindi mapuknat-puknat na tong collection sa lungsod.

Nakatimbre rin sa mga kolektor ng DPSTM ang Sierra Madre Bus terminal sa Munomento at RJ Express Bus na may parking area sa pagitan ng 8th Ave. at 9th Ave. na may biyaheng Caloocan-Arayat/Pampanga na umano ay nagbigay ng halagang P50,000 bilang paunang bayad at P5,000 na lingguhan sa pinuno ng DPSTM.

Binanggit pa ng source, mayroong mahigit 1,000 ang jeepney driver na nagyayaot sa lungsod na mayroong iba’t ibang biyahe hanggang Bulacan, Pampanga at Bataan.

Sinabi pa ng source na may mga pinagkakatiwalaang kolektor ang DPSTM tulad nina Paolo, Erick, Noly, Bukol, Diablo na ang pinaka-lider nila ay isang dating barangay kagawad na may alyas Mac.

Bukod sa mga nabanggit na kolektor, may mga barker pa sila na ginagawa rin nilang kolektor para hindi halatado ang galaw ng tong syndicate na umano’y tinotolera ng mataas na opisyal ng pamahalaang lungsod.

Sinabi pa ng mga source, masyadong panggigipit umano ang ginagawa ng mga traffic enforcer na ito sa mga jeepney driver, na kung hindi sila nakapagbibigay ng tong linggu-linggo ay kinakargahan sila ng kung anu-anong paglabag kapag nagkakamali sila sa batas-trapiko.

“Hindi na talaga titino ang maayos na pag-usad ng trapiko rito sa Caloocan kapag hindi nabago ang bulok na sistema ng tong collection. Akala namin nareporma na ang DPSTM ‘yun pala nagdurusa pa rin ang maliliit na commuters,” pahayag ng mga mapagkakatiwalaang source.

Malaking halaga ng salapi ang nalilikom linggu-linggo ng mga miyembro ng DPSTM sa utos ng kanilang “Boss” na kung susumahin, tinatayang aabot sa multi-milyong piso buwan-buwan, sabi pa ng source.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.