Mula sa malulungkot na pinagdaanan
Lotlot de Leon, unti-unti nang umaayos ang buhay

MAGANDA ANG pagkakadugtung-dugtong ng pangyayari sa kuwento ng buhay ni Lotlot de Leon pagkatapos ng malulungkot niyang pinagdaanan, katulad na lamang ng pag-hihiwalay nila ng kanyang pinakasalang si Monching Gutierrez na anak nina Pilita Corrales at Eddie Gutierrez.

Pinakamalungkot na parte ng buhay ni Balot ay ‘yung nakahiwalay na nga niya si Monching, nagkaroon pa sila dati ng hidwaan ng kanyang biyenan, habang wala sa Pilipinas ang kanyang mommy na si Nora Aunor.

Sa mga panahong may gusot sa buhay ni Lotlot, marami ang naaawa sa kanya dahil down na down ang dating ng kanyang buhay kahit bilang artista naman ay masipag siya, lalo pa’t maga-ling na rin naman siyang aktres. Okey naman ang pagkakaibigan nina Balot at Monching, dahil sa kanilang anak.

Nagsimulang maging maaliwalas ang lahat nang makilala ni Balot ang tunay niyang mga magulang na nagpaampon sa kanya sa Superstar, sa dahilang wala na raw maipapakain sa kanya dahil sa kahirapan. Napatawad niya ang sitwasyong iyon. Bumalik sa bansa si Ate Guy, kaya nagbigay-saya iyon sa itinuturing na kapatid ni Ian de Leon.

Nitong huli, lalong umaliwalas ang mga pangyayari sa buhay ni Lotlot, dahil nagkabati na sila ni Pilita. Ang gumawa ng paraan para sa kanilang pagbabati, ay ang Asia’s Queen of Songs mismo. Hindi na ito nakapagtatakang mangyari, dahil consistent si Pilita sa kanyang mga pahayag na maging maayos lang ang lahat ay siya na ang magpapa-kumbaba kay Lotlot.

Taun-taon halos ay naiinterbyu namin ang beteranang singer, at puro pakikipag-ayos kay Lotlot ang kanyang sinasabi basta maging okey lang sila ulit, alang-alang na rin sa kanyang mga apo.

 

NGAYON PA lang ay talagang gumagawa na nga si Sarah Lahbati ng malalim na hukay na paglilibingan ng kanyang showbiz career kung hindi niya malulusutan ang kontrobersiyang kinasasangkutan niya ngayon.

Hindi talaga ma-gandang pangitain ang mga nangyayari ngayon, dahil masyado siyang naging mabilis sa pagsasangkot ng kanyang sarili sa mga pasabog na dapat ay pinag-isipan niya muna kung magiging positibo ba ang da-ting sa kanyang pag-aartista.

Sayang. Kasi nga, nagsisimula na siyang magmarka sa bakuran ng GMA 7, dahil napapansin nang maganda ang kanyang mukha, at napuri rin ang acting niya nang lumabas siya sa teleseryeng Time Of My Life nina Kris Bernal at Mark Herras noon. Lalo siyang nakikilala at marami ang naintriga nang magkaroon sila ng relasyon ni Richard Gutierrez, na dati-rati ay hindi naman umaamin tungkol sa kanyang mga pakikipagrelasyon.

Kulang na kulang pa si Sarah sa kanyang mga napatutunayan sa showbiz. Pero dahil sa mga bagong kaganapan ay baka lumaylay nang tuluyan ang kanyang career. Kahit naman mawala siya sa showbiz ay hindi pa siya masyadong panghihinayangan.

Pero ang kuwento ni Sarah ay hindi na bago sa showbiz. Mayroon talagang mga susunod sa yapak ni Hero Angeles, na habang gumaganda ang career ay nagkakaroon ng kakaibang tapang, na ang resulta ay ang pagkabura ng kanilang pa-ngalan at kasikatan sa industriyang ito.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.