MTRCB, ‘Di Matatanggal ang ‘Anti-Islam’ Film sa Internet

HINDI SAKOP ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagtanggal sa umano’y anti-Islam film na “The Innocence of Muslims” sa Internet.

Ayon kay MTRCB Chairperson Grace Poe-Llamanzares, hindi nila mapipigilan ang pagkalat ng nasabing pelikula partikular na sa video-sharing site na YouTube.

Sakali aniyang magkaroon ng komite na magmo-monitor sa mga lumalabas sa Internet ay maaaring maging miyembro nito ang MTRCB at doon pa lamang posibleng mai-block ang naturang video sa bansa.

“On the other hand, the President has signed into law the Anti-Cyber Crime Bill, and supposedly part of that is to form a commission or an agency that will be monitoring Internet activities. Perhaps the MTRCB can later be a part of it… For now, we have no direct authority over the Internet.”

Gayunpaman, binigyang-diin ng opisyal na hindi nila papayagan ang paglabas ng nabanggit na pelikula sa telebisyon at sinehan.

Una nang inihirit ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa gobyerno na gawin ang lahat ng hakbang para mahinto ang pagpapalabas sa bansa ng kontrobersiyal na pelikula na naging ugat ng paglusob ng mga grupong Muslim sa mga embahada ng Estados Unidos sa iba’t ibang bansa.

Babala pa ni Regional Association of Higher Education Institutions sa ARMM (RAHEI-ARMM) President Agakhan Sharief, kung magpapatuloy ang pagkalat nito sa Internet, baka may hindi magandang gawin ang mga katulad niyang Muslim.

Samantala, nagsunog na rin ang mahigit 3,000 Muslim sa Marawi ng bandila ng US at Israel bilang pagprotesta sa nasabing pelikula.

Maaalala na ipinaubaya ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang naturang isyu ng pagkalat ng pelikula sa bansa sa pamunuan ng nabanggit na ahensiya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.