MOST WANTED NATIKLO

NAGWAKAS NA ANG maliligayang araw ng isang panglimang most wanted person sa lungsod ng Bacolod makaraang maaresto ito kahapon ng mga kagawad ng Intelligence Branch ng Bacolod City Police Office (BCPO) sa 5th Road, Fuentebella Subdivision, Brgy. Taculing sa lungsod.

Kinilala ni BCPO officer-in-charge, Senior Supt. Ricardo de la Paz, ang naaresto na si Jonathan Lavega, aliyas “Rogelio”, 28-anyos ng Purok Bakyas, Brgy. Mansilingan, Bacolod City .

Ayon kay Chief Insp. Leonardo Borromeo, chief ng Intelligence Division, na si Lavega ay nahaharap sa kasong pagpatay sa security guard ng SM City Bacolod nang mahuli itong nagnanakaw sa nasabing establisyemento noong 2005.

Narekober sa suspek ang limang bala, isang kalibre .38 revolver, cellphone at isang hinihinalang nakaw na XRM motorsiklo na walang plaka.

Sakay ang suspek sa nasabing motorsiklo nang masakote at ikinaila na ang mga narekober ay nakuha sa kanya at itinanggi rin ang sinasabing kaso ng pagpatay laban sa kanya na ayon kay Dela Paz ay ito ang karaniwang alibi ng mga nasasakoteng kriminal.

Ang pagkakasakote kay Lavega ay dahil sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas noong Agosto 11, 2006 sa sala ni Bacolod Judge Manuel Cardinal Jr. kung saan walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek na kasalukuyang nakapiit sa Police Station 6.

SAMION TUAZON

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.