MORONG “38” HUWAG MAGING MAYABANG

UNAHIN NATIN ANG isyu sa bilang ng mga nahuli sa Morong Bataan na tinagurian ngayon bilang “Morong 43”.

Dahil sa totoo lang, hindi na kumpleto ngayon ang kanilang bilang na “43”. Pinili na kasi ng lima (5) sa kanila na mamuhay na nang tahimik.

Bago ito, inamin muna ng lima na totoo ngang kasapi sila ng kilusang New People’s Army.

Katunayan, walang gaanong kasiyahang naidulot sa kanilang lima ang napaulat na nalalapit na kalayaan.

Mas takot sila, parekoy, na baka sa kanilang paglaya ay “iligpit” sila ng mga dating kasama dahil sa kanilang pag-amin.

Anyway, kung totoo mang mga rebeldeng NPA nga o hindi itong Morong 43… kung totoo man o pinilit lang na NPA nga itong lima sa kanila, hindi ‘yong ang aking concern.

Dahil karapatan nila ‘yon.

Ang sa akin lang, hindi na siguro nararapat na patuloy pa ring gamitin ang terminong “Morong 43”.

Dahil mas angkop na sa kanila ngayon ang “Morong 38”.

At isa tayo, parekoy, sa natuwa noong iniutos sa Department of Justice (DoJ) ni Pangulong Aquino na iatras na ang kaso laban sa “Morong 43”.

Pero hindi nakuntento, parekoy, ang “Morong 38” sa kaganapang ito.

Hinihiling na naman nila ngayon, maging ng kanilang mga kamag-anak na dapat daw ay humingi ng dispensa ang mga sundalong humuli sa kanila.

Para ano?

‘Di ba may isinampa na silang kaso laban sa mga sundalo?

Ang ibig nating sabihin, parekoy, kung gusto nilang magdemanda ay walang pumipigil sa kanila.

Pero ‘yong hihilingin pa nitong “Morong 38” na humingi ng dispensa sa kanila ang mga sundalo ay kalabisan na!

At nagpapakita tuloy ito kung anong mga klaseng tao nga itong “Morong 38”.

Sa totoo lang, parekoy, mariing batikos ang inaabot sa atin nitong mga sundalo’t pulis… lalo na ‘yong mga sira-ulo at palpak.

Pero ‘wag sana nating kakalimutan na hindi lahat ng sundalo’t pulis ay masama.

Parang NPA rin ‘yan, parekoy… hindi maaaring sabihin na ang lahat ng NPA ay mabuti!

Sa puntong ito, hindi rin maaaring sabihin nitong Morong 38 na nakumbinsi nila si P-Noy na hindi sila mga NPA.

Huwag din nilang isipin na nakumbinsi nila ang taumbayan na lehitimo nga silang “health workers o volunteers” noong sila ay pinaghuhuli ng military.

Sa totoo lang, isa na ako, parekoy, sa naniniwalang “inclined” nga sa kaliwa ang “Morong 43” sa panahong sila ay inaresto ng military.

Kaya lang… komo nga maraming proseso ng batas ang nilabag nitong mga sundalo sa panahon ng kanilang paghuli sa Morong 43, kaya nararapat lamang ang utos ni P-Noy na iurong ang mga kaso laban sa kanila.

At umaasa tayo, parekoy, na magsilbing aral sa military ang pangyayaring ito.

Umaasa rin tayo, parekoy, na paiigtingin na ng militar ang kanilang mga training hinggil sa pagrespeto sa mga karapatang pantao. Upang hindi maulit ang ganitong insidente.

Para naman sa “Morong 38”, ang payo natin ay huwag masyadong “demanding”.

Kung gusto nilang magdemanda sa military, magdemanda na lang sila at huwag nang humiling pa ng “apology” dahil kahit alam na nilang mali sila ay hindi sira-ulo ang military na basta na lang aamin.

Kayo nga ay hindi rin basta-bastang umaamin na mga NPA!!!

GUSTO BA NINYONG makarinig nang “walang takot” na pagbabatikos sa mga kabulastugang ginawa ng mga halimaw sa pamahalaan? Nais ba ninyong marinig ang “parehas at malalimang” komentaryo sa mga kaganapan sa ating lipunan?

Buksan ang inyong mga radio tuwing alas 6 – 7 ng umaga sa DZME 1530kHz (dulong-kanan ng talapihitan), Lunes hanggang Biyernes, o kaya’y mag-log-on sa www.dzme1530.com upang mapanood nang live si JUN BRIONES sa programang ALARMA Kinse Trenta!!!

Maaari ring tumawag sa 0932-1688734 o mag-e-mail sa junbriones69@yahoo.com.

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.